Martin

Programang Cash and Rice Assistance Distribution inilunsad sa Isabela

Mar Rodriguez Nov 25, 2023
175 Views
LIBU-LIBONG residente ng Isabela ang nakatanggap ng cash assistance at bigas sa ilalim ng programa ng administrasyong Marcos na naglalayong tulungan ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
Ang programa na tinatawag na Cash and Rice Distribution (CARD) Program ay itinulak nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tulungan ang mga mahihirap na pamilya.
“Ngayong araw po ay pormal nating sisimulan ang programang Cash Assistance and Rice Distribution o CARD program dito sa inyong probinsya,” saad ni Speaker Romualdez sa kaniyang mensahe sa paglulunsad ng CARD Program sa Ilagan City.
“Nabuo ang programang CARD bilang tugon sa hamon ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa inyong Kongreso na tumulong para bigyan ng ginhawa ang ating mamamayan sa harap ng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang basic goods,” dagdag niya.
Ang 3,000 benepisyunaryo ay nakatanggap ng tig-P1,000 na tulong pinansyal at 25-kilo ng bigas.
Si Ilagan City Mayor Josemarie “Jay” L. Diaz ang nanguna sa paglulunsad ng programa samantalang si Speaker Romualdez ay dumalo naman sa hiwalay na event ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF).
“Tinanggap ng inyong Kongreso ang hamon ng pagtulong at agad kaming nakipag-ugnayan sa DSWD at sa ating mga kaibigan mula sa industriya ng bigas para masigurado na mananatiling abot-kamay ang bigas sa marami nating kababayan,” sabi ni Romualdez.
“Dito po natin nakikita kung paano tayo puwedeng magtulungan para sama-samang harapin ang anumang hamon sa buhay. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at tiwala sa isa’t-sa, at sa tulong na rin ng pamahalaan, magagawa nating malampasan ang anumang pagsubok,” wika pa niya.
Una na itong ipinatupad sa Metro Manila, Biñan City at Sta. Rosa sa Laguna, at Bukidnon.
Ang Isabela ay may anim ng legislative districts na binubuo ng 34 na munisipalidad at tatlong bayan.
“Simula lamang po ito. Kami po sa Kongreso ay hindi titigil at patuloy na magta-trabaho, kaisa ng administrasyon ng ating mahal na Pangulong Marcos Jr., para mabigyang-ginhawa ang mas marami pa nating mga kababayan,” ani Romualdez.
“Bibigyan namin ng prayoridad ang mga kababayan nating mga mahihirap, senior citizens, mga may kapansanan, mga solo parents at mga katutubong Pilipino, sa programang CARD at iba pang programa ng ating pamahalaan,” pagpapatuloy pa ng lider ng Kamara.
“Sa pagkakaisa at tiwala sa bawat isa, mas marami pa po tayong magagawa tungo sa sama-sama nating pag-unlad,” sabi pa niya.