PCSO

Duda na may totoong tumatama sa lotto nanalo ng P107M

142 Views

NAWALA ang duda ng isang 50-anyos na lalaki kung totoo na mayroong tumatama sa lotto matapos siyang manalo ng P107.5 milyon sa bola ng MegaLotto 6/45.

Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang nanalo ay taga-Quezon City. Siya ay tumama noong Nobyembre 6.

Ang nanalo ay tumaya sa Barangay Pinyahan, Quezon City at nag-iisang nakakuha ng winning number combination na 13-31-16-01-25-10 na mula umano sa kaarawan ng kanyang mga kamag-anak.

May 28 taon na umanong tumataya ang nanalo kaya sumagi na rin sa kanyang isipan na baka wala talagang tumatama ng jackpot prize sa lotto.

Plano ng nanalo na gamitin ang bahagi ng kanyang napanalunan sa negosyo.

Ang premyo sa lotto na nagkakahalaga ng mahigit P10,000 ay pinapatawan ng 20 porsyentong buwis.