Cacdac

Tulong sa mga umuuwing OFW mula sa conflict zone tiniyak

Neil Louis Tayo Nov 28, 2023
205 Views

TINIYAK ng administrasyong Marcos na tutulungan ang mga Pilipino na umuwi sa Pilipinas mula sa mga conflict zones.

Sinabi rin ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer-in-Charge Hans Cacdac na gumagawa ng mga hakbang ang Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino.

“And so the effort continues and lastly the whole-of-government approach, all of this dahil sa whole-of-government approach na inatasan kaming lahat ng ating Pangulo na gumalaw at paiiralin ang aming mga puwersa para sa kapakanan ng aming mga OFWs, gawin ang lahat ng aming makakaya para sa proteksiyon ng OFWs,” sabi ni Cacdac.

Ang mga OFW na napipilitang umuwi dahil sa kaguluhan ay nakatatanggap ng financial assistance mula sa DMW, Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA), Department of Social Welfare and Development and TESDA (Technical Education and Skills Development Authority) na umaabot ang kabuuang halaga sa P125,000.

Mayroon din umanong livelihood assistance mula sa DMW, OWWA, at DSWD, bukod pa sa psychosocial counseling ng Department of Health (DOH).

“May medical checkup basic and further treatment kung sila ay kailangan pa ng further treatment in a government hospital, psychosocial counseling nandodoon din; and then TESDA (Director General Suharto) Mangudadatu – iyong pagbibigay ng free vouchers – pangmatagalan ito,” sabi pa ni Cacdac.

“Iyong free vouchers – anumang training na gusto nila na kurso, anumang training institution na piliin nila nandoon – iyon iyong ibig sabihin noong training voucher na iyon; and then of course pasalamat na rin sa mga airport authorities… and then Secretary Benny Laguesma ng DOLE (Department of Labor and Employment) – tumutulong din sa employment facilitation,” dagdag pa nito.

Ayon kay Cacdac 313 na ang kabuuang bilang ng mga Pilipino na umuwi sa bansa dahil sa kaguluhan sa Middle East at madaragdagan pa umano ito sa mga darating na araw.