Martin

Speaker Romualdez kumpiyansa sa pangako ng Asia-Pacific lawmakers

Mar Rodriguez Nov 28, 2023
114 Views

Na pananatilihin kapayapaan sa pinagtatalunang teritoryo, pagsunod sa UNCLOS

KUMPIYANSA si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na magkakaroon ng isang makabuluhang hakbang para sa kapayapaan at katatagan sa pinagtatalunang teritoryo kasunod ang matagumpay na pagdaraos ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF31) sa Pilipinas.

Sa Forum ay nagkasundo ang mga mambabatas mula sa iba’t ibang bansa sa rehiyon na isulong ang kapayapaan sa karagatan alinsunod sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

“The resounding commitment exhibited by regional lawmakers to uphold peace, ensure security, foster stability, prioritize safety, and champion the freedom of the high seas was truly commendable. It deeply resonated with our shared dedication to forging a secure and collaborative environment,” ani Speaker Romualdez, co-chair ng APPF31 kasama si Senate President Juan Miguel Zubiri.

Sa Joint Communiqué na pirmado si Speaker Romualdez, Senate President Zubiri, at 19 na iba pang kalahok na bansa kasama ang China, binigyan-diin ang pagpapatibay sa mga resolusyon na magpapatatag sa samahan ng mga bansa sa rehiyon.

Ayon kay Speaker Romualdez binibigyang-diin sa mga resolusyon ang pagpapalakas sa kapasidad ng mga parlyamento upang maitaguyod ang kapayapaan at katatagan.

Sinabi ni Speaker Romualdez na nangako ang mga kalahok na bansa na paiigtingin ang pagsisikap upang mapanatili ang kapayapaan seguridad, katatagan, kaligtasan, at kalayaan sa pagdaan sa karagatan, na naaayon sa mga prinsipyong binalangkas ng UNCLOS.

“We see this collective commitment as a promising step forward, in line with the foundational principles of the UNCLOS. It could serve as the linchpin for a more predictable and harmonious future in regions with disputes,” sabi ni Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong 300 miyembro.

Ang UNCLOS, na tinatawag ding Law of the Sea Convention o ang Law of the Sea Treaty, ay isang pandaigdigang kasunduan na inilatag upang magkaroon ng kaayusan sa dagat at karagatan.

Matapos ang matagumpay na pagdaraos ng APPF31, binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na pagkakaroon ng matibay na samahan ng mga bansa sa rehiyon na siyang sandigan ng kapayapaan at patuloy na pag-unlad ng Asia Pacific.

“The success of APPF31 demonstrates the power of collective efforts in addressing shared challenges and advancing common goals. Regional partnership is not merely a concept; it is the foundation upon which we build lasting peace and sustainable development in our region,” ani Speaker Romualdez.

“APPF31 has laid the groundwork for a more interconnected and harmonious Asia-Pacific. It underscored our determination to transcend boundaries, working hand in hand for the greater good and ensuring a stable and prosperous future for all,” dagdag pa nito.

Bukod sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, sumentro rin ang talakayan sa APPF31 plenary session sa paglaban sa transnational crimes.

Iginiit ng mga miyembro ang kahalagahan ng bilateral at multilateral na pagtutulungan, kasama ang diplomasya sa parliyamento, upang matugunan ang mga hindi pagkakasunduan at kinakaharap na hamon.

Nangako rin ang mga kalahok sa Forum na palakasin ang kakayanan ng kani-kanilang parliyamento upang maitaguyod ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon kasama ang pagsuporta ng mga gobyerno upang maabot ang Goal 16 ng 2030 Sustainable Development Agenda.

Kabilang dito ang pagpapahusay sa kooperasyon sa mga isyu tulad ng terorismo, paglaganap ng nuklear, pagbabanta sa teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon, mga transnational crime, climate change, at mga umuusbong na sakit at banta sa kalusugan ng publiko.

Kasama sa mga ipinangako ang pagtulong upang mapataas ang kakayanan ng ibang bansa at pagsunod sa 1982 Manila Declaration on the Peaceful Settlement of Disputes.

Nangako din ang mga miyembro na pangalagaan ang marine environment at biodiversity habang itinataguyod ang blue economy para sa kapakinabangan ng lahat ng bansa.

Ang Joint Communiqué ay pirmado ng kinatawan ng Australia, Brunei Darussalam, Cambodia, Canada, Chile, China, Indonesia, Japan, Republic of Korea, Lao People’s Democratic Republic, Malaysia, Mexico, Federated States of Micronesia, Papua New Guinea, Peru, Philippines, Russia, Thailand, at Vietnam.