Calendar
Castro: It’s high time na bigyan ng hustisya mga biktima ng war on drugs ni Duterte
BINIGYANG DIIN ni ACT-TEACHERS Party List Cong. France Castro na ang paghahanap ng hustisya para sa mga naging atraso at pagkakasala ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong panahon ng kaniyang administrasyon ay hindi usapin ng politika o kampanya laban sa mga “Duterte”.
Ito ang iginiit ni Castro sa ekslusibong panayam ng People’s Taliba na ang paghahanap ng hustisya para sa napakaraming biktima ng extra-judicial killings at war on drugs ng dating administrasyon ay hindi usapin ng politika o kaya naman ay Duterte laban kay Marcos o Romualdez.
“It’s high time na ibigay naman natin ang hustisya duon sa napakaraming biktima ng walang habas na pagpatay noong panahon ni dating Pangulong Duterte. Usapin ito ng hustisya para sa ating mga kababayan. So hindi ito usapin ng politika, hindi ito usapin ng Duterte versus Marcos o Romualdez,” ayon kay Castro.
Sa kabila ng pagiging miyembro ng Makabayang Bloc sa Kamara de Representantes, ikinagagalak naman ni Castro na nabigyan ng pagkakataon sa ilalim ng administrasyong Marcos, Jr. na gumulong ang hustisya laban sa mga naging atraso at kasalanan ni Duterte sa napakaraming biktima ng “tokhang”.
Sinabi ng kongresista na hindi nagkaroon ng pagkakataon noong panahon ng administrasyon ni Duterte na gumulong ang imbestigasyon. Kung kaya’t malaki aniya ang kanilang pasasalamat dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay posibleng mabigyan narin ng hustisya ang nakaparaming biktima.
“Kaya nga kami ay natutuwa na sa panahon ngayon ay nabigyan ng pansin ang mga kaso laban sa dating Pangulo,” sabi pa ni Castro.
Nauna rito, nanindigan si Castro na walang kaugnayan ang kasarinlan o sovereignty ng Pilipinas sa gagawing imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte patungkol sa kontrobersiyal na “war on drugs” nito.