Calendar
Sen. Raffy pinasisibak Angkas rider
ITINUTULAK ni Senator Raffy Tulfo sa transport provider na Angkas na sibakin na sa trabaho ang inirereklamong driver na ninakawan at tinangkang molestiyahin umano ang kanyang pasahero sa Brgy. Manggahan, Pasig City noong Nobyembre 12.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights ngayong araw (Nob. 29), ginisa ni Tulfo ang kinatawan ng Angkas na si Jauro Castro dahil imbes na sibakin ng Angkas sa trabaho ay sinuspinde lamang nito ang rider na si Aurelio Subiera.
“Bakit suspension lang? Dapat sibakin niyo!” saad ni Tulfo.
Matatandaan na dumulog kamakailan sa “Raffy Tulfo in Action” si Alyas “Carla” para isumbong ang tangkang panghahalay at pagnanakaw sa kanya ni Subiera. Kwento niya, natigilan lamang si Aurelio sa masamang pakay nito sa kanya nang may nakakita sa kanila na mag-asawang naglalakad. Kumaripas ng takbo si Aurelio at kasamang hinablot ang cellphone at wallet ni Carla.
Sinabi ni Tulfo kay Castro na dapat ay palitan na ng Angkas ang ilang opisyal nito, lalo na ang mga hindi sumusunod sa patakaran ng kumpanya at hindi sineseryoso ang reklamo ng customer.
Umamin naman si Castro sa mga pagkukulang ng Angkas at humingi ng paumanhin dahil dito.
Upang maiwasan ang mga krimeng tulad nito, inirekomenda rin ni Tulfo sa Angkas na magsagawa ng regular na drug testing sa mga rider nito dahil naguugat ang mas madaming krimen sa patuloy na paggamit ng pinagbabawal na gamot.