Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Pagtuturo ng personal financial literary sa TVET pasado na sa Kamara

Mar Rodriguez Nov 30, 2023
273 Views

APRUBADO na ng Kamara de Representantes ang panukala upang maging mandatory ang pagsasama ng financial literacy sa Technical-Vocational Education and Training (TVET) curriculum ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Walang tumutol sa pagpasa ng House Bill (HB) No.9292 na nakatanggap ng 246 boto.

Layunin ng panukala na mabigyan ng paunang kaalaman ang mga estudyante kaugnay ng tamang paghawak ng kanilang pera upang hindi ito masayang at sila ay makagawa ng angkop na desisyon.

Binigyan-diin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahalagahan na mapalakas ang financial education ng mga Pilipino.

“Financial literacy is a precious skill that, unfortunately, few have. Filipinos who are financially literate are more likely to avoid financial frauds, develop financial discipline, use debt responsibly, and save their money for education or retirement,” ani Speaker Romualdez.

Kasama sa mga pangunahing may-akda ng panukala sina Reps. Jose Manuel Alba, Mark Go, Eulogio Rodriguez, Joseph Gilbert Violago, Franz Pumaren, Jefferson Khonghun, Mikaela Angela Suansing, Maria Fe Abunda, Antonieta Eudela, Edgar Chatto, Franz Castro, Lani Mercado-Revilla, Joselito Sacdalan, Dalog, Carl Nicolas Cari, Jose Gay Padiernos, Eric Buhain, Jurdin Jesus Romualdo, at Manuel Jose Dalipe.

Sa ilalim ng panukala, ang mga TVI at TESDA training centers ay magbibigay ng financial education sa mga estudyante ng tech-voc upang malinang ang kakayanan ng mga ito sa pangangasiwa ng kanilang pera.

Nakasaad sa panukala na gagawing mandatory ang pagsasama ng Personal Financial Literacy Course (PFLC) sa TVET curriculum.

“It shall focus solely on personal finance based on the policies, guidelines, and standards set jointly by the TESDA, the Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Finance (DOF), Securities and Exchange Commission (SEC), and the Insurance Commission (IC),” sabi sa HB No. 9292.

Kailangang ipasa ang PFLC upang maka-graduate.

Kasama sa ituturo sa PFLC ang konsepto ng personal finance; time value ng pera; pangungutang, pag-iimpok, at paggamit ng digital payment platform.

“The TESDA shall collaborate with the BSP, DOF, SEC, and IC to develop academic standards, curricula, and materials for the PFLC. These agencies shall jointly issue the proper guidelines for this purpose,” sabi sa panukala.

Ang laman ng PFLC ay dapat nakalinya sa pamantayan ng mga nabanggit na ahensya.