Calendar
Speaker Romualdez itinulak pagpasa ng mga reso na sumasang-ayon sa rebel amnest ni PBBM
Bago mag-Xmas break
TARGET ng Kamara de Representantes na mapagtibay ang mga resolusyon na nagpapahayag ng pagsang-ayon nito sa mga proklamasyon na inilabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para mabigyan ng amnestiya ang mga miyembro ng rebeldeng grupo na nagbabalik-loob sa gobyerno, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Noong Miyerkoles ay inihain ni Speaker Romualdez kasama ang iba pang lider ng Kamara ang House Concurrent Resolutions No. 19, 20, 21, at 22, upang ipahayag ang pagsang-ayon nito sa proklamasyon ng Pangulo. Ang mga resolusyon ay ipinadala ng plenaryo ng Kamara sa House Committee on Justice para talakayin ito.
“We will act with dispatch on these concurrent resolutions and we will strive to approve them before our Christmas break so that rebels who sincerely desire to return to the fold of law and lead normal lives, along with the members of their family, and our nation in general, could enjoy the blessings of peace as soon as possible,” ani Speaker Romualdez.
“The timely adoption of these concurrent resolutions is attuned with the spirit of hope, peace and joy that Christmas season brings,” dagdag pa ni Speaker Romualdez, lider ng Kamara na may mahigit 300 miyembro.
Ang pag amnesty proclamation ng Pangulo ay magiging epektibo kapag sinang-ayunan ito ng mayorya ng mga miyembro ng Kongreso.
Kasama ni Speaker Romualdez bilang may-akda ng mga resolusyon sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” D. Gonzales, Jr., Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Minority Leader Marcelino C. Libanan, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, at Tingog Partylist Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude A. Acidre.
Ang Amnesty Commission ay inaatasan na gumawa ng implementing rules and regulations para sa amnesty program sa loob ng 15 araw matapos na maging epektibo ang proklamasyon.
Saklaw ng Amnesty Proclamations No. 403, 404, 405, at 406 ang mga miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), Communist Party of the Philippines-New Peoples Army-National Democratic Front (CP-NPA-NDF), Moro Islamic Liberation Front (MILF), at Moro National Liberation Front (MNLF).
Sa resolusyon ay ipinahayag ng mga may-akda ang pagsuporta nito sa nais ng gobyerno na maisulong ang kapayapaan sa bansa at magpatupad ng mga programa upang manumbalik sa ilalim ng batas ang mga rebelde.
Ayon sa mga may-akda ang mga resolusyon ay naglalayong gawing mga produktibong mamamayan ang mga rebeldeng magbabalik-loob para makatulong ang mga ito sa pag-unlad ng bansa.
“…It is imperative that we concur with the amnesty proclaimed by President Ferdinand R. Marcos, Jr. for the general interest of Filipinos and for a lasting peace, unity and reconciliation,” sabi ng mga may-akda.
Hindi naman saklaw ng amnesty proclamation ang mga nakasuhan sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 9372 o ang Human Security Act of 2007 at RA No. 11479, o ang Anti-Terrorism Act of 2020.
Hindi rin patatawarin sa ilalim ng amnesty proclamation ang mga kaso gaya ng kidnap for ransom, masaker, rape, terrorismo, mga krimen na may kinalaman sa pagyurak sa puri ng indibidwal ayon sa Revised Penal Code, mga krimen para sa pansariling kapakinabangan, paglabag sa RA No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, paglabag sa Geneva Convention of 1949, at mga krimen na tinukoy ng United Nations gaya ng genocide, crimes against humanity, war crimes, torture, enforced disappearances, at labis na paglabag sa karapatang pantao.
Ang mga aplikasyon para sa hihingi ng amnestiya ay dapat panumpaan sa Amnesty Commission sa loob ng dalawang taon mula sa pagiging epektibo ng proklamasyon.