Caregiver Welfare Act nilagdaan ni PBBM

198 Views

NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang “Caregiver Welfare Act” na naglalatag ng polisiya upang maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mga caregiver sa bansa.

Ang Republic Act No. 11965, o ang “An Act Institutionalizing Policies for the Protection and Welfare of Caregivers in the Practice of their Occupation” ay nilagdaan noong Nobyembre 23. Magiging epektibo ito makalipas ang 15 araw mula sa pagkakalathala sa pahayagan.

Sinususugan ng bagong batas ang pagtiyak na mayroong disenteng trabaho at kita, at ligtas sa pang-aabuso, harassment, karahasan, at economic exploitation ang mga caregiver.

Ang oras ng trabaho ng caregiver ay ibabatay umano sa kanilang employment contract at kung lalagpas ng walong oras kada araw ay dapat silang bigyan ng overtime pay. Ang kanilang suweldo ay hindi rin maaaring mas mababa sa minimum wage sa lugar kung saan sila nagtatrabaho.

Nakasaad din sa bagong batas ang pagbibigay ng night differential, 13th month pay, separation pay, leave credit at mga katulad na benepisyo.