Calendar
Tingog first responder sa mga biktima ng MSU bombing
PINASALAMATAN ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong ang Tingog Party-list na isa sa mga unang sumaklolo sa mga biktima ng pambobomba sa Dimaporo Gymnasium sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi.
Ipinaabot ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong ang pasasalamat nito kina Tingog Partylist Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre sa agad na pagpapadala ng tulong sa mga biktima ng pag-atake.
“We offer our deepest and most profound gratitude to all colleagues who shared enough condemnation and who have extended condolences. Ako po ay buong nagpapasalamat sa Tingog Partylist para sa kanilang napakabilis na pagresponde sa napakahalagang mga oras pagkatapos ng trahedyang ito,” ani Adiong sa sesyon ng plenaryo ng Kamara nitong Lunes.
Nagdala ng medical assistance ang Tingog–Cotabato para sa mga biktima na dinala sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City at sa MSU Infirmary.
Nakipagpulong din ang team ng Tingog sa mga opisyal ng iba’t ibang ahensya upang malaman kung papaano matutulungan ang mga biktima.
Nakipulong si Tingog Partylist BARMM Regional Chairperson Bai Hasmin Ayunan Ebrahim at kanyang team kay Bangsamoro Interim Chief Minister Ahod Ebrahim at Presidential Peace Adviser Sec. Carlito G. Galvez, Jr., kasama sina Maguindanao Del Norte Gov. Abdulraof Macacua at Lanao Del Sur Governor Mamintal Adiong Jr.
Namigay din ang team ng Tingog ng pagkain at inumin sa mga estudyante na nanatili sa MSU matapos ang pagsabog.