Calendar
Eddie Garcia bill, proteksyon para sa movie workers inindorso sa plenaryo ng Senado
ININDORSO na sa plenaryo ni Senador Jose Jinggoy Estrada ang “Eddie Garcia” bill, ang panukalang nagtatatag ng mga patakaran para sa proteksyon ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon, apat na taon ng nakabinbin sa Senado.
“Nakalulungkot mang banggitin, pero ang panukalang ito ay bunga ng aksidente sa television shooting naging dahilan ng pagkamatay ng batikang aktor na si Eddie Garcia noong 2019. Despite his age—he was 90 years old at the time—the screen legend remained active in doing movies and television series. This unfortunate incident and his untimely demise which shocked the industry led some actors and workers to push for reforms, calling out dangerous working conditions, especially on set, thus, paving the way for this measure,” sabi ni Estrada, chairperson ng Committee on Labor, sa kanyang sponsorship speech.
Nakapaloob sa panukalang “Eddie Garcia” law ang pagtiyak ng disenteng kita, proteksyon sa pang-aabuso, pangha-harass, mapanganib na kondisyon sa trabaho at economic exploitation para sa mga manggagawa ng industriya ng pelikula at telebisyon
Isinasaalang-alang din ang kakaibang katangian ng nasabing industriya gaya ng pagkakaroon ng mahabang oras sa trabaho kaya’t naglagay ng probisyon sa paglalaan ng social welfare benefits at insurance na magsasakop sa mga insidente na may kinalaman sa trabaho o kamatayan.
“Paano naman makakapagtrabaho ang mga manggagawa na minamahal ang industriyang kinabibilangan nila kung ito mismo ay nagsasamantala sa kanila? Panahon na para ipagbawal ang nakasanayan ng gawain na ito at gumawa ng mga hakbang na magtatakda ng mga pamantayan at pagbabago,” sabi ni Estrada.
Layon ng panukala na itakda ang walong oras na normal working hours, ang maximum ay hindi dapat lumampas sa 14 na oras – hindi kasama dito ang oras sa pagkain – o kabuuan, 60 na oras sa isang linggo.
Ang mga senior citizen o yung mga may edad na 60 pataas na patuloy pa ring nagtatrabaho ay kailangang pumirma sa isang kasunduan na batay sa mga iniaatas ng Department of Labor and Employment.
Ang mga manggagawa ay pangangasiwaan ng employment contract para maproteksyunan ang kanilang interes, at iba pang kaugnay na detalye sa trabaho gaya ng job description pati na rin ang oras ng trabaho at katumbas nitong rate o anumang naaangkop na benepisyo.
“Hindi natin maaring hayaang magpatuloy ang karoshi, isang Hapones na termino na nangangahulugang kamatayan dahil sa sobrang trabaho, sa ating industriya ng pelikula at telebisyon. Simpleng sabi, hindi natin ito maaaring ituloy ng ganito,” sabi ni Estrada.
“Ang tagumpay ng bawat paggawa ng pelikula o produksyon sa TV ay utang natin sa mga manggagawa sa industriyang ito. Ang panukalang batas na ito ay isang pagpupugay hindi lamang kay ‘Manoy,’ kundi pati na rin sa masipag na staff. Isabuhay natin ang alaala ni Manoy Eddie Garcia sa pamamagitan ng panukalang ito. Hinihikayat ko ang aking mga kasamahan sa Senado na suportahan ang panukalang ito, na hindi lamang magbibigay ng proteksyon sa kapakanan ng mga manggagawa sa TV at pelikula kundi pati na rin sa kanilang pagpaparangalan at dignidad,” ani ng senador.