pba1 Matapos ang dalawang taong paghihintay, idedepensa ng Far Eastern University ang men’s chess title sa UAAP Season 84, na magkakaroon pa rin ng general champion sa kabila ng limitadong bilang ng events. UAAP photo

Ilang UAAP teams liliban sa ibang events

Theodore Jurado Mar 3, 2022
312 Views

BUKOD sa pagdaraos ng limitadong sports, inaasahan ng UAAP na may mga liliban na mga member-schools sa ibang events sa Season 84 na lalarga sa March 26.

Bagama’t ang lahat ng walong schools ay sasali sa centerpiece men’s basketball, women’s volleyball at cheerdance events ng liga, kinumpirma ni UAAP Season 84 president Nong Calanog na may “isa or dalawang schools” ang hindi makakalahok sa iba pang torneo.

Ang men’s beach volleyball, men’s and women’s 3×3 basketball, poomsae at men’s and women’s chess and poomsae ay kasama rin sa Season 84 calendar of events.

“I think one or two schools indicated that based on their preparations, they can only participate in men’s basketball, women’s volleyball and cheerdance. But one or two lang at the most,” sabi ni Calanog.

“For those tournaments that used to have all, we’ll probably have six or seven. 3×3, I think all schools will participate. Beach volleyball, I think one or two ang hindi,” aniya.

Sa kabila ng limitadong bilang ng events, may nakatayang general championship sa pagbabalik ng liga matapos ang dalawang taong pagliban.

Idedepensa ng University of Santo Tomas, ang pinakamatagumpay na sports program ng liga na may 44 overall titles, ang korona.

“Some of our schools, this may be their chance to actually win a general championship,” sabi ni Calanog.

Tangan ng Ateneo ang titulo sa men’s basketball at women’s volleyball, habang ang National University ay reigning cheerdance champions.

Sisikapin naman ng UST na mapalawig ang paghahari sa men’s beach volleyball sa ikatlong sunod na taon, pipilitin naman ng La Salle na makadalawang sunod sa poomsae, habang hangad naman ng Far Eastern University na muling makagawa ng golden double sa chess.

Lalaruin naman ang 3×3 basketball, na hindi naidaos sa Season 82 edition dahil sa COVID-19 pandemic.