Calendar
Lacson: WPS mas dapat na tutukan kesa NPA sa giyera sa pagkain, kabuhayan
NANINIWALA si Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na lumiliit na ang banta mula sa mga rebeldeng grupo, partikular ang New People’s Army (NPA), at mas kailangan nang tutukan ng pamahalaan ang giyera dahil sa pagkain at kabuhayan na maaaring sumiklab sa West Philippine Sea (WPS).
“Kasi lumiliit na o nababawasan na ‘yung threat galing sa insurgency, sabihin natin sa mga NPA, ano. Maraming lugar sa Pilipinas na-lessen na, hindi tulad noong araw, ‘di ba?,” ani Lacson sa isang panayam.
“So, nabawasan ‘yung internal threat. ‘Pag nabawasan ‘yung internal threat,bakit kailangan natin ng napakaraming sundalo [sa] Philippine Army? Ang kailangan natin ngayon nahaharap tayo sa isang external threat, ‘yung threatgaling sa pwedeng mag-invade sa West Philippine Sea,” dagdag niya.
Ang solusyon dito, ayon kay Lacson na chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, kailangan palakasin ang teknikal na abilidad ng mga sundalo ng pamahalaan.
Nararapat na rin umanong gumamit ng mas modernong mga armas at sasakyang pandigma ang Philippine Navy upang mabantayan ang seguridad ng ating karagatan, lalo na sa ating teritoryo sa WPS na inaangkin ng China.
Una nang inihayag ni Lacson na bukas siya sa joint venture para sa paggalugad ng energy resources o langis sa WPS. Hindi naman aniya kailangan na sa China lamang tayo makipagdayalogo para rito dahil marami pang mga bansa ang interesado na makipagtulungan sa atin.
Nanindigan din ang dating police chief na dapat nating igiit ang ating karapatan sa WPS sa pamamagitan ng pagpapadala ng mas maraming presensya ng pamahalaan dito, katulad ng research team at mga scientist sa Pag-asa Island, at pagpapaunlad ng mga pasilidad na makatutulong sa pagbabantay sa seguridad ng ating teritoryo.