Brosas

Imbestigasyon ng Kamara kay Quiboloy iginiit ng Gabriela

128 Views

IGINIIT ng isang progresibong mambabatas ang kahalagahan na maimbestigahan ng Kamara de Representantes ang human trafficking na kinasasangkutan umano ng televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy at ang religious organization nitong Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Ayon kay Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas dapat makagawa ng hakbang ang Kongreso upang mapigilan ang human trafficking gamit ang relihiyon.

“The pile of allegations against him has been ongoing for years. Dapat agad ding imbestigahan ito ng Kongreso,” ani Brosas.

Ginawa ni Brosas ang pahayag matapos na itakda ng Senado sa Enero 23, 20204 ang imbestigasyon kaugnay ng human trafficking, rape, at sexual at physical abuse na kinasasangkutan umano ni Quiboloy.

Umapela si Brosas sa kanyang mga kasama sa Kamara na magpatawag ng kaparehong imbestigasyon. Naghain ng resolusyon ang lady solon para paimbestigahan si Quiboloy.

Kamakailan ay inimbitahan ng House Committee on Legislative Franchises si Quiboloy kaugnay ng isinasagawa nitong imbestigasyon sa mga paglabag umano ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa termino ng prangkisa nito. Hindi sumipot si Quiboloy sa pagdinig.

Sa sulat na ipinadala ni Quiboloy upang ipaliwanag ang kanyang hindi pagdalo, sinabi nito na hindi na siya opisyal ng SMNI ng ma-renew ang prangkisa nito noong 2019.

Subalit sa mga dokumentong isinumite ng SMNI kung saan nakasaad na siya pa rin ang beneficial owner ng SMNI hanggang noong 2021.

Nanawagan si Brosas sa gobyerno na makipagtulungan sa gobyerno ng Estados Unidos para sa extradition ni Quiboloy.

“We stand with the victims of Quiboloy and call on the government to pursue an investigation into his operations in the Philippines and provide support and protection for his victims,” sabi ni Brosas.

Kamakailan, hiniling ni Senator Risa Hontiveros sa Department of Justice na maglabas ng immigration lookout bulletin order upang hindi makaalis si Quiboloy ng bansa upang mapanagot ito sa kanyang mga nagawa.

Inihain din ni Hontiveros ang Senate Resolution (SR) No. 884 para sa pagsasagawa ng Senado ng imbestigasyon sa mga ipinapagawa umano ni Quiboloy sa kanyang mga tagasunod.

Sa isang press conference kamakailan, sinabi ni Hontiveros na hawak nito ang mga personal testimony at affidavit ng mga umano’y naging biktima ni Quiboloy.

Isa umanong biktima ng panggagahasa ang nagpahayag ng kahandaan upang tumestigo laban kay Quiboloy.

Tinuligsa ng abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio si Hontiveros dahil trial publicity umano ang gusto nito sa halip na maghain ng kaso sa korte.

Sinabi ni Topacio na hindi ang Senado ang tamang venue para sa pagsasagawa ng imbestigasyon at iginiit ang kahalagahan na ng patas na proseso.