Martin

Speaker Romualdez sang-ayon sa OFW na pagsuporta sa mga lider ng bansa nararapat

Mar Rodriguez Dec 18, 2023
151 Views

SUMANG-AYON si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa nakalagay sa plakard ng isang suporter ni Vice President Sara Duterte na nagpakuha ng litrato sa kanya sa Japan.

“I agree with the overseas Filipino worker who greeted me in Japan with a placard bearing a significant message,” ani Speaker Romualdez.

“We should all support and respect the Vice President. The same respect and support that we should extend to the President and other government officials,” dagdag pa ng lider ng Kamara na may mahigit 300 miyembro.

Batay sa video na nag-viral sa social media, isang suporter ni Duterte ang lumapit kay Speaker Romualdez. Bukod sa plakard na may nakasulat na “Please support VP Inday Sara Duterte” may hawak din itong flaglet na muntik pang tumama sa mata ng lider ng Kamara.

Hinawakan ng lalaki ang kamay ni Romualdez at sinabing “Please support Inday Sara.”

Ang babae naman na pinaniniwalaang syang may hawak ng kamera ay maririnig na nagsabing “Thank you po sir, sa pag-suporta kay VP Inday Sara.” Sumagot naman si Romualdez ng “Of course.”

Tapos ay nagpasalamat ang babae dahil pinalaya umano nito ang SMNI program host na si Jeffrey “Ka Eric” Celiz na nakulong sa Kamara matapos na ma-cite in contempt ng House Committee on Legislative Franchises.

Si Romualdez ay bahagi ng opisyal na delegasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Tokyo, Japan para sa 50th Association of the Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan Friendship and Cooperation Commemorative Summit.

Kahit na ang dating sa ilang nakapanood ng video ay nais ng suporter ni Duterte na pahiyain si Speaker Romualdez, napanatili naman ng lider ng Kamara ang pagiging statesman nito.

Matatandaan na napabalita ang iringin sa pagitan nina Speaker Romualdez at Duterte matapos magdesisyon ang Kamara na ilipat ang P650 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education. Ganito rin ang ginawa ng Kamara sa mga civilian agency na mayroong confidential funds.

Ang nalikom na confidential funds ay inilipat ng Kamara sa mga ahensya na may kinalaman sa pagbibigay ng seguridad sa bansa sa gitna ng ginagawang pangha-harass ng China sa West Philippine Sea.

Sinuportahan naman ng Senado ang pag-alis sa confidential fund ng mga civilian agency ng gobyerno.