Martin1

P771B pamumuhunan nasungkit: Speaker Romualdez pinuri matagumpay na Japan trip ni PBBM

Mar Rodriguez Dec 19, 2023
116 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang matagumpay na biyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Japan kung saan nakasungkit ito ng P771 bilyong halaga ng investment pledge na inaasahang lilikha ng libu-libong trabaho para sa mga Pilipino.

Noong Lunes, iniulat ni Pangulong Marcos ang paglagda sa mga bagong kasunduan at pangakong pamumuhunan na may kabuuang halagang P14.5 bilyon matapos ang isang business event na pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa sideline ng ASEAN-Japan Commemorative Summit sa Tokyo, Japan.

Kapag pinagsama-sama ang mga letter of intent na nilagdaan noong Pebrero 2023 at siyam na kasunduan na nilagdaan noong Lunes, sinabi ng Malacañang na aabot ang investment commitment na nakuha sa Japan sa P771.6 bilyon o US$14 bilyon, na makalilikha ng 40,000 trabahong mapapasukan ng mga Pilipino.

“President Marcos has proven himself a champion for economic growth and job creation. These investment pledges secured in Japan are a testament to the international community’s confidence in the Philippines’ future under his leadership,” ani Speaker Romualdez.

“The promised over 40,000 jobs are not just numbers, they represent families lifted out of poverty, brighter futures for our youth, and a stronger middle class. President Marcos’ dedication to attracting foreign investments translates directly into improved livelihood for our countrymen,” dagdag pa ni Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 miyembro.

Iniulat din ng Malacañang na nasa P169 bilyon na ang aktwal na nailagak na pamumuhunan sa bansa mula sa mga nilagdaang kasunduan noong Pebrero.

Ipinangako ni Speaker Romualdez ang suporta ng Kamara sa mga hakbang ng administrasyong Marcos upang mas maging investment-friendly ang Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan sa pamamagitan ng pag-apruba ng mga kinakailangang batas.

Sa isa sa kanyang mga talumpati sa Japan, sinabi ni Pangulong Marcos na patuloy itong makikinig sa mga isyu, alalahahin, at suhestyon ng mga negosyante upang matukoy kung papaano matutugunan ang mga ito.

Sinabi rin ng Pangulo na nakikipagtulungan ang kanyang administrasyon sa Kongreso upang magawa ang mga kinakailangang batas na kailangan ng mga mamumuhunan.

“That is why the Speaker of the House of the Representatives of the Philippines is here, accompanying us, on what is essentially is a business delegation but because of the laws in the Philippines dictate that all revenue measures that are undertaken or new laws that are revenue measures must originate from the House of Representatives,” ani Pangulong Marcos.

“The inputs and suggestions we personally hear from potential investors during these trips would be invaluable in crafting laws meant to answer the issues they have raised to ensure that these investment pledges would come to fruition and create jobs for thousands of Filipinos,” sabi naman ni Speaker Romualdez.

Nauna ng sinabi ni Speaker Romualdez na itutulak ng Kamara ang pag-amyenda sa restrictive economic provisions ng 1987 Constitution upang mas mabuksan ang Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan.

Sinabi naman ni Pangulong Marcos na ipinag-utos nito ang pagsasagawa ng pag-aaral upang malaman ang mga probisyon ng Konstitusyon na kailangang baguhin dahil pumipigil ito sa pagnenegosyo ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.