BBM2

PBBM pinuri sa P170B natupad na pamumuhunan mula sa pagbisita sa Japan

Mar Rodriguez Dec 22, 2023
120 Views

IPINAABOT ni Speaker Martin Romualdez ang taos-pusong pagkilala at pagsuporta kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasunod ng matagumpay nitong pagbisita sa Japan sa unang bahagi ng taon, na nagpalakas sa ekonomiya ng Pilipinas at lumikha ng libong trabaho para sa mga Pilipino.

Kamakailan ay inanunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) na 22 porsyento o P170 bilyon ng pledge investment sa naturang pagbisita ang naisakatuparan na.

Mula ito sa 34 na letters of intent at kasunduan na nakuha sa pagbisita ng Pangulo sa Japan.

“We are witnessing the fruits of President Marcos Jr.’s strategic international engagements,” sabi ni Speaker Romualdez “These investments are not just numbers; they represent hope, opportunities, and a brighter future for thousands of Filipinos.”

Kasama sa mga pamumuhunang ito ang P4.4 bilyong inisyatiba ng Murata Manufacturing para sa isang bagong production building sa Tanauan City, Batangas, na nakalikha ng 3,500 na trabaho at $1.2 bilyong halaga ng export. Ang pagpapasinaya sa P7-bilyong Hotel 101 katuwang ang Niseko at DoubleDragon Corp. ay isa pang signipikanteng hakbang at inaasahang makalilikha ng $126.7 milyong kita mula sa pagbebenta.

Tinukoy din ni Speaker Romualdez ang bagong pabrika ng Tamiya Corp. sa Cebu, ang renewable energy commitments mula sa Renova Inc., at ang environmentally conscious na mga inisyatiba ng MinebeaMitsumi Inc. sa kanilang planta sa Cebu.

“These varied investments reflect our nation’s growing attractiveness as a global investment destination, capable of meeting the needs of diverse industries,” dagdag ni Speaker Romualdez. “They also align with our commitment to sustainable development and environmental stewardship.”

Sa kabuuan ang mga pamumuhunang ito ay nakalikha ng 9,700 na trabaho at nakatulong sa pagpapa-angat ng buhay ng pamilyang Pilipino.

Inanunsyo rin ng Malacañang na ang idinaos na business event sa pangunguna ng DTI sa Japan kasabay ng pagdalo ng Pangulo sa ASEAN Japan Commemorative Summit noong December 15 hanggang 18 ay nagresulta sa P14.5 bilyong indicated investments mula sa mga negosyanteng Hapon.

Kaya naman kung isasama rito ang mga napagkasunduang pamumuhunan sa pagbisita noong Pebrero 2023 ay nakakuha ng kabuuang P771.6 bilyong investment commitment o US$14 bilyon ang Pangulo sa Japan na may katumbas na 40,000 na trabaho.

Sa kanyang talumpati sa event kung saan nilagdaan ang mga kasunduan at pangakong pamumuhunan, sinabi ni Pang. Marcos na patuloy na makikinig ang kaniyang administrasyon sa mga isyu, hinaing at suhestyon ng mga mamumuhunan kaugnay ng mga bagay na kanilang kailangan para sa kanilang pamumuhunan sa bansa.

Ang mga feedback na ito, ayon kay Pang. Marcos ay pinahahalagahan at dadalhin sa Kongreso kung kakailanganin na magpasa ng batas.

“That is why the Speaker of the House of the Representatives of the Philippines is here, accompanying us, on what is essentially is a business delegation but because of the laws in the Philippines dictate that all revenue measures that are undertaken or new laws that are revenue measures must originate from the House of Representatives,” sabi ng Pang. Marcos sa mga pinuno ng negosyo sa Japan.

Muli namang iginiit ni Speaker Romualdez ang kaniyang buong suporta sa mga hangarin ng Pang. Marcos na gawing primyadong investment location ang Pilipinas.

“Our collaborative efforts in the government, together with the private sector, are crucial in sustaining this momentum. We are committed to nurturing these partnerships and ensuring that the Philippines continues to thrive as a hub of innovation and economic growth.”