Barry Gutierrez

Gutierrez: Sa halip na edukasyon ang atupagin, VP Duterte inaasikaso ma-headline

105 Views

SA halip na ang atupagin ay ang mga problema sa sektor ng edukasyon, sinabi ni dating Akbayan Partylist Rep. Barry Gutierrez na mistulang ang ginagawa ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte ay kung papaano mahi-headline.

Ginamit na halimbawa ni Gutierrez ang isyu ng korupsyon na kinakaharap ng DepEd kaugnay ng bilyun-bilyong halaga ng educational at learning materials na hindi nadala sa mga eskuwelahan at nakatambak sa isang warehouse.

“Kung nababalita ang kanyang opisina sa mga isyu ng korupsyon – ayan nga’t may bagong isyu na naman sa bilyon-bilyong halaga ng learning materials ng DepEd na nabubulok sa mga warehouse – di ba may kapabayaan nang nangyayari dito?” ani Gutierrez, dating spokesperson ni dating VP Leni Robredo sa kanyang column sa isang pahayagan.

“Kung ganito ang kalakaran, ‘di ba ibig sabihin, sa halip na pamunuan ang departamentong itinalaga sa kanya, nauubos ang oras niya hindi sa edukasyon, kundi sa pagpapasikat at paghahabol na maging bahagi ng mga headline?” dagdag pa ng dating kongresista.

Naghain na ng isang resolusyon ang Makabayan bloc sa Kamara upang paimbestigahan ang bilyun-bilyong halaga ng kasangkapan sa eskuwelahan na nananatili sa warehouse ng Transpac Cargo Logistics Incorporated.

Tinuligsa ni Gutierrez si Duterte sa pagtutuon umano ng atensyon nito sa mga isyu na walang kinalaman sa kanyang pagiging kalihim ng DepEd gaya ng ginawa nitong pagkontra sa posisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na pag-aralan ang pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) at ang pagbubukas ng usapang pangkapayapaan kasama ang rebeldeng komunista.

“Hindi natin sinasabing bawal maghayag ng opinyon. Tutal, Vice President din siya. Pero naman. Kung panay itong mga bagay na ito ang inaatupag ng ating Secretary of Education; kung nasa gabinete siya pero malinaw ang panggigigil niyang kumontra sa mga desisyon ng administrasyong kinabibilangan niya– di ba may problema tayo diyan?” dagdag pa ng dating mambabatas.

“Simple lang naman. Kung DepEd Secretary ka, trabahuhin mo ang edukasyon. Kung hindi mo kaya, e ‘di ibigay mo sa makaka-focus dito. Kung mas trip mong umepal, ok lang naman, pero huwag na tayong maglokohan,” pagpapatuloy nito.

“Masyadong mahalaga ang edukasyon ng Pilipino para pamunuan ng pinunong panay politika lang naman ang nasa kokote,” sabi pa nito.

Sinabi ni Gutierrez na ang trabaho ng kalihim ng edukasyon ay tiyakin na mayroong sapat na bilang ng guro sa mga pampublikong paaralan at siguruhin na mayroong sapat na silid-aralan at eskuwelahan gayundin ang mga libro, papel at chalk.

“Trabaho niyang mabahala sa estado ng edukasyon sa bansa: Isipin na lang ninyo, 9 sa 10 batang Pilipino sa edad na 10 years old, hindi sapat ang kakayahang magbasa. Krisis ito, at trabaho ng DepEd Secretary na maghanap ng paraan para tugunan ito,” wika pa ni Gutierrez.