Trillanes

Trillanes kinondena si Duterte sa pag-imbita sa mga suporter sa impiyerno

133 Views

KINONDENA ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pag-imbita nito sa kanyang mga suporter sa impiyerno.

Nag-post si Trillanes sa Facebook kamakailan gamit ang hastag na #DuterteIsEvil at ang kanyang reaksyon sa isang pahayag ni Duterte noong 2022 kung saan sinabi nito na alam niya na hindi siya tatanggapin sa langit.

“Minura nya ang Diyos, minura nya si Pope, minura nya ang Catholic bishops and priests, he wanted to set up Iglesia ni Duterte, and now, literally, hinihikayat nya sa impyerno ang kanyang mga supporters,” an Trillanes sa Facebook post.

“Hindi tayo santo pero kung pinalaki tayo nang maayos, alam natin dapat ang masamang tao sa hindi,” dagdag pa ng dating senador na siya ring national chairperson ng Magdalo Group.

Noong Mayo 2022, sinabi ni Duterte sa kanyang mga suporter na, “We won’t be accepted in heaven. Let’s be frank.”

“So I will just bring you to hell and do not be afraid, I will wait for you there. We will stay together there,” sabi pa ni Duterte.

Si Trillanes ay isa sa mga naghain ng reklamo laban kay Duterte sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang madugong war on drugs na ikinamatay ng libu-libong katao.

Hinikayat ng grupong Magdalo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na payagan ang mga imbestigador ng ICC na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng war on drugs upang mapanagot si Duterte.

“Being the original filers of the ICC case in 2017, we have witnessed and documented the barbaric actions of the past administration, as well as the trauma and hardships that the thousands of victims and their families have suffered,” sabi ni Trillanes.

“Truly, justice is long overdue,” dagdag pa nito.

Nauna ng sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na bukas ito sa pagbabalik ng Pilipinas sa ICC at pag-aaralan umano ng kanyang gobyerno ang panukala.