Calendar
Valeriano suportado kahilingan ni Speaker Romualdez sa DOTr na repasuhin PUVMP
SINUSUPORTAHAN ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development ang naging kahilingan ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez sa Department of Transportation (DOTr) na repasuhing mabuti ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Pabor si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano sa naging kahilingan ni Speaker Romualdez sa Transportation Department para magsagawa ito ng masusing pag-aaral para sa PUVMP kasunod ng pagpapalawig sa programa.
Ipinaliwanag ni Valeriano na napakahalagang mapag-aralan muna ng DOTr ang pagpapatupad ng PUVMP sapagkat libo-libong driver at operators aniya ang inaasahang mawawalan ng hanap-buhay sakaling tuluyan ng maipatupad ng pamahalaan ang programa.
Kinakatigan din ni Valeriano ang naging pahayag kasunod ng paki-usap ng House Speaker na huwag naman sanang tanggalan ng kabuhayan ang mga driver at operators dahil tanging ito lamang ang kanilang inaasahan para tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ipinaliwanag ng kongresista na kailangang maging maingat at hinay-hinay ang pagtalakay sa nasabing isyu dahil tiyak na libo-libong mga operators at drivers ang mawawalan ng pagkakakitaan sakaling biglain ang pagtatanggal sa tradisyunal na jeepney para isulong ang modernization.
Nauna ng kinatigan ni Valeriano ang panawagan ni Speaker Romualdez na magkaroon ng imbestigasyon kaugnay sa napa-ulat na nangyaring korupsiyon sa jeepney modernization program.
Ipinaliwanag ni Valeriano na para mapawi ang mga agam-agam ng publiko hinggil sa jeepney modernization program. Kinakailangan talaga aniyang magkaroon ng pagsisiyasat tungkol dito kabilang na ang pagkakaroon ng komprehensibong plano sakaling maipatupad na ang programa.