Valeriano

Valeriano sang-ayon sa pagsampa ng kaso ni Nacorda ukol sa maling vlog

Mar Rodriguez Jan 10, 2024
143 Views

NANINIWALA si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na tama ang ginawang aksiyon ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin Nacorda matapos nitong kasuhan ang isang retiradong heneral dahil sa pagpapakalat nito ng alingasngas o maling impormasyon sa kaniyang vlog.

Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na dapat magsilbing leksiyon para kay Philippine Army Retired Gen. Johnny Macanas ang kasong isinampa ng PNP Chief laban sa kaniya dahil sa pagkakalat umano nito ng “fake news” sa kaniyang vlog.

Ipinaliwanag ni Valeriano na napakahalagang maunawaan ni Macanas ang kaniyang responsibilidad partikular na sa pagbabalita o paghahatid ng impormasyon sa publiko. Kung saan, mali ang pagpapakalat nito ng maling impormasyon na nagdulot ng tensiyon sa mga mamamayan.

Nauna rito, pinost ni Macanas sa kaniyang vlog ang di-umano’y destabilization plot laban sa administrasyon ni President Bongbong Marcos, Jr. habang ginamit din ni Macanas ang larawan nina Nacorda at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner sa nasabing vlog.

“Tama lamang na magsampa ng kaso laban kay General Macanas. Hindi kasi tayong puwedeng maging padalos-dalos sa pagbabalita at lalo na kung ito’y tungkol sa destabilization ng gobyerno. Seryoso ito, we hope that the expression of both the PNP at AFP of their continued and steadfast support for PBBM,” sabi ni Valeriano.

Iginigiit din ng mambabatas na hindi maaaring ikatuwiran ni Macanas na ang kaniyang ipinahayag ay bahagi ng kaniyang “freedom of expression” sapagkat magkaiba aniya ang pagpapahayag ng saloobin ng isang tao sa pagpapakalat ng maling impormasyon tulad ng di-umano’y destabilisasyon.