Calendar
Dy: Long weekend malaking ganansiya para sa PH tourism
NANINIWALA si House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V na malaki ang maitutulong ng napipinto at naka-hilerang “long weekend” para mas lalong umangat ang turismo ng Pilipinas.
Sinabi ni Dy na inaasahang lalo sisikad at aalagwa ang “tourism sector” ng bansa sa pamamagitan ng mga naka-hilerang long weekend o mahabang bakasyon sapagkat maaaring dumagsa ang mga local at dayuhang turista na magtutungo sa Pilipinas bukod pa dito ang pagpasok ng summer vacation.
Dahil dito, ipinaliwanag pa ni Dy, miyembro ng House Committee on Tourism, na malaking gansiya sa ekonomiya ng Pilipinas ang pagkakaroon ng long weekend vacation sapagkat magkakaroon ng pagkakataon para maraming turista ang magpunta o kaya naman ay magbakasyon sa bansa.
Bukod pa dito, nakikita din ng kongresista ang Philippine tourism bilang isa sa mga epektibong pamamaraan para mas lalong umangat ang ekonomiya ng bansa kasunod ng 5.45 million international tourist arrivals noong nakaraang taon (2023) na ang ibig sabihin ay malaki ang naging gansiya ng pamahalaan.
Optimistiko si Dy na maganda ang kapalarang naghihintay para sa tourism sector ngayong taon (2024) dahil na rin sa mahusay na pamamalakad ni Department of Tourism (DOT) Sec. Maria Christina Garcia Frasco.