Calendar
Kagaya ni Juan Bautista, mga alipin lamang din tayo ng Panginoon at wala tayong maipagmamalaki sa kaniya (JUAN 1:19-28)
“HINDI nagkaila si Juan. Sa Halip ay maliwanag niyang sinabi: “Hindi ako ang Cristo”. “Sino ka kung gayon?” Tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi ako si Elias,” tugon ni Juan. “Ikaw ba ang Propeta?” “Sumagot siya, “Hindi rin.” (Juan 1:19-21)
PUMANAW na noong nakaraang Disyembre ang isa sa pinaka-mahusay na manlalaro sa Philippine Basketball Association (PBA). Ito’y walang iba kundi ang tinaguriang “The Skywalker” na si Avelino Samboy Lim. Maraming basketball fans ang labis na nalungkot sa kaniyang paglisan.
Taga-hanga ka man ng San Miguel Beermen o kakampi ka ng kalaban nitong team. Sigurado naman na makukuha ni Samboy Lim ang iyong atensiyon at paghanga dahil sa ipinapamalas niyang husay, galing, talino at propesyunalismo sa loob ng hard court sa tuwing mayroong laro ang kaniyang koponan.
Ang pahayag nga ng mga taong nakakakilala kay Samboy Lim. Walang PBA fan ang nagbo-boo sa kaniya kapag siya ay nasa loob ng hard court taga-hanga ka man ng kalabang koponan ng San Miguel. Ang ibig sabihin lamang nito, napakataas ng respeto ng mga tao sa kaniya.
Subalit sa kabila ng lahat ng ito, sa harap ng napakatayog na kinalalagyan ni Samboy Lim noong kasagsagan ng kaniyang PBA career. Hindi kailanman umakyat sa kaniyang ulo ang kaniyang kasikatan. At sa halip ay nanatili siyang “low profile” at mapagkumbaba. Ikaw nga: “Down to earth”.
Ang kuwento ni Samboy Lim ay akmang-akma sa mensahe ng Mabuting Balita (Juan 1:19-28) tungkol sa pagpapakumbaba o kababaang loob na ipinamalas mismo ni Juan Bautista matapos siyang tanungin at usisain ng mga Paring Judio at Levita kung siya nga ba ang hinihintay nilang Cristo.
Walang paligoy-ligoy at diretsahang sinabi ni Juan Bautista sa mga taong ito na hindi siya ang Cristo. Walang patumpik-tumpik din niyang ipinahayag na hindi rin siya ang Propeta. Bagkos, isa lamang siyang “Tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang. Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon”. (Juan 1:23)
Hindi nagpanggap o nagkunwari si Juan Bautista dahil inamin niya kung ano ang totoo. Marunong parin siyang lumugar sa dapat niyang kalagyan. Hindi umakyat sa kaniyang ulo ang kayabangan o kahambungan para ipakilala ang kaniyang sarili na hindi naman siya o kaya ay nagpakilala siyang Cristo.
Kaya imposibleng lumapat kay Juan Bautista ang katagang “Nabiyayaan lamang ng maliit subalit umasta na siyang napaka-laki”. Ang ibig sabihin nito ay hindi siya nagmistulang langaw na tumuntong sa ibabaw ng kalabaw. Subalit ang tingin sa kaniyang sarili ay mas malaki pa siya sa kalabaw”.
May ilan kasi sa atin ang madaling nakakalimot sa oras na umangat sila ng bahagya. Ang akala nila ay napaka-laki na nilang tao, super sikat at mahirap ng maabot kapag medyo matayog na ang kanilang kinalalagyan sa buhay. Madaling umaakyat ang hangin sa kanilang ulo at feeling magaling na sila.
Ipinapaalala sa atin ng Ebanghelyo ang aral tungkol sa kababaang loob. Gaya ni Juan Bautista, nawa’y matutunan din natin kung papaanong manatiling nakasayad ang ating mga paa sa lupa anoman ang ating narating sa buhay. Ituring din natin ang ating mga sarili na “maliit na tinig” lamang.
Hinahamon tayo ng Pagbasa na kilalanin natin mabuti ang ating mga sarili at matutunang kumilos kung sino tayo. Baka kasi nakakalimutan natin na gaya ni Juan Bautista. “Tayo’y mga alipin din ng Diyos at hindi karapat-dapat magkalag sa sintas ng kaniyang sandalyas”. (Juan 1:27).
Ano ba ang maaari natin maipagmalaki sa Panginoon? Ipagmamalaki ba natin sa kaniya ang ating katanyagan? Ang ating kayamanan? Ang katayuan natin sa mundong ibabaw na maraming tao ang dumadakila sa atin? Subalit naitanong na ba natin kung kanino galing ang lahat ng ito?
Katulad ng sinasabi sa Ebanghelyo. Kagaya ni Juan Bautista, tinig lamang tayo, isang maliit na tinig. Sa madaling salita: “Tuldok lamang tayo kung ikukumpara tayo sa Diyos”. Anoman ang mayroon tayo dito sa ibabaw ng mundo. Iyan ay ipinagkatiwala lang sa atin ng Diyos. Tayo’y mga katiwala lamang.
Halimbawang tanggalin sayo ng Panginoong Diyos ang mga bagay na ipinagyayabang mo sa ibang tao. Ang mga bagay na kasalukuyang tinatamasa mo kagaya ng salapi, magarang sasakyan, magagandang damit at napakagandang bahay? May maipagmamalaki ka pa ba kung mawala sayo ang lahat ng ito?
Mas masarap ang namumuhay ng may kababang loob sa halip na mamuhay sa kapalaluan o kayabangan na para bang hindi na sasayad sa lupa ang iyong mga paa. Dahil sinabi mismo ng Panginoon na kung sinoman ang nagpapakataas ay kaniyang ibababa at ang nagpapa-kababa ay kaniyang itataas.
MANALANGIN TAYO:
Panginoon naming Diyos. Turuan niyo po kaming maging mapagkumbaba. Huwag po sana namin isipin na napakalaki naming tao at mas mahusay kumpara sa aming mga kapatid, maging kagaya sana kami ni Juan Bautista na nanatiling mababa ang loob at nagpakatotoo sa tunay niyang katayuan.
AMEN