Calendar
Report kaugnay sa VAT exemption ng PWDs suportado
SUPORTADO ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang panawagan ni House Speaker Martin G. Romualdez sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Council on Disability Affairs (NCDA) kaugnay sa exemption ng mga PWDs sa pagbabayad ng Value-Added Tax (VAT).
Sinabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na nararapat lamang na magbigay ng report ang DSWD at NCDA para malaman kung nakakasunod pa ang dalawang ahensiya sa itinatakda ng batas hinggil sa pagbibigay ng exemption sa mga PWDs sa pagbabayad ng VAT.
Nauna rito, kinakatigan ni Valeriano ang naging direktiba ni Speaker Romualdez laban sa mga kompanyang hindi nagbibigay ng discount para sa mga Persons with Disability (PWD). Matapos atasan ng House Speaker ang mga Komite na imbestigahan ang ilang kompanya na hindi nagbibigay ng discount para sa mga PWDs.
Ipinabatid ni Valeriano na napaka-halaga na magkaroon ng malalim na pagsisiyasat sa Kongreso hindi lamang para papanagutin sa batas ang nasabing komapnya. Bagkos, makapag-balangkas ng isang panukalang batas ang mga kongresista para sa kapakanan ng mga PWDs.
Ipinaliwanag ng kongresista na ang VAT exemption ay bukod pa sa nakukuhang 20% discount ng PWDs na itinatakda naman ng batas sa ilalim ng Republic Act No. 9442 o ang An Act Amending Republic Act No. 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons and for other Purposes.
Muling binigyang diin ni Valeriano na kinakailangan na talagang magkaroon ng isang malinaw at konkretong batas upang obligahin ang mga kompanya na magbigay ng discount para sa mga PWDs at Senior Citizens na kadalasan ay binabalewa ng mga kompanyang ito ang pagbibigay ng diskuwento.
“Dapat ay matutukan ng Kongreso ang mga kompanyang ito na hindi nagbibigay ng discount sa ating mga Senior Citizens at PWDs. Nasaan naman ang konsensiya nila? Ganyan na ba sila ka-manhid? Sang-ayon tayo na imbestigahan sila dahil ako’y awang-awa sa mga Senior Citizens at PWDs,” ayon sa mambabatas.