Valeriano

Solon: Hulihin pati drug lords

Mar Rodriguez Jan 17, 2024
136 Views

IGINIIT ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na dapat paigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya nito laban sa illegal na droga sa pamamagitan ng pagdakip mismo sa mga “drug lords” sa halip na mga “small time pushers” lamang ang kanilang nahuhuli.

Bagama’t pinapurihan ni Valeriano, chairperson ng House Committee on Metro Manila Development, ang PNP dahil sa naging pagkilos nito laban sa ilang tiwaling pulis na sangkot sa illegal na droga. Subalit nakukulangan parin ang mambabatas sa kampanya ng Kapulisan kontra droga.

Ayon kay Valeriano, hindi matatawaran ang ipinapakitang malasakit o effort ng liderato ng PNP para masawata ang paglaganap ng illegal na droga sa bansa. Subalit namgmi-mistulang paulit-ulit na lamang umano ang scenario na pawang mga drug pushers lamang ang nahuhuli ng mga Kapulisan.

Binigyang diin ng kongresista na nasa PNP ang lahat ng resources tulad ng intelligence, data at logistics. Kaya walang dahilan aniya para hindi maisagawa ang malawakang kampanya laban sa mga drug lords na nasa likod ng paglaganap ng illegal na droga sa bansa.

“Let’s face it, they have all the intelligence data from yesteryears. Likely, same personalities or lineage mga operators niyan. We have been waiting that real drug lords are caught, huwag naman na puro mga maliliit na isda lang ang kanilang nahuhuli,” paliwanag ni Valeriano.

Sinabi din ni Valeriano na kahit pa ilang beses makahuli ng drug pushers ang Kapulisan. Kung patuloy naman na gumagala ang mga drug lords ay hindi parin nito masasawata ang bentahan ng ipinagbabawal na gamot sapagkat nagpapatuloy sa pagne-negosyo ang pinanggagalingan ng illegal drugs.

Nauna ng sinabi ni Valeriano na kahanga-hanga ang ginawa ng PNP sa pamamagitan ng National Capitol Region Police Office (NCRPO) matapos nitong sibakin sa puwesto ang apat na pulis na hinihinalang sangkot sa illegal na droga makaraan silang mag-positibo sa isinagawang random drug test.