Calendar
Valeriano: Walang mali sa pagbati ni PBBM kay Taiwanese President Lai Ching-Te
BINIGYANG DIIN ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano na walang mali sa ginawa ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos nitong batiin si Taiwan President Lai Ching-Te habang binatikos naman siya ng China dahil sa pagpapa-abot nito ng pagbati sa nasabing Pangulo.
Dahil dito, dinepensahan ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ang Pangulong Marcos, Jr. sa pagsasabing walang mali sa ginawang pagbati ng Pangulo kay Ching-Te matapos itong maluklok bilang Presidente ng Taiwan bilang bahagi ng “diplomatic process”.
Ikinatuwiran ni Valeriano na ginampanan lamang ni Marcos, Jr. ang kaniyang obligasyon bilang isang head of state sa pamamagitan ng pagsunod sa tinatawag na “diplomatic principles” at commitment ng bansa upang itaguyod ang positibong pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang bansa.
Iginigiit ni Valeriano na hindi pinanghihimasukan at wala umanong paki-alam ang Pangulo ng bansa sa anomang sigalot sa pagitan ng China at Taiwan. Kung kaya’t ang pinaabot nitong pagbati kay Ching-Te ay matatawag na “no string attached” dahil wala siyang pinapanigan sa dalawang nasabing bansa.
“Iyon ay obligasyon ng ating Pangulo na nagpa-abot ng pagbati sa sinomang Presidente ng anomang bansa. Dahil pareho silang Head of State kaya tungkulin ng sinomang Presidente na magbigay ng congratulations. Huwag naman sana itong masamain ng China,” paliwanag ni Valeriano.
Sinabi pa ng kongresista na hindi rin dapat ituring ng China o sinomang kritiko na na paglihis sa isinusulong na foreign policy ang naging pagbati ng Pangulong Marcos, Jr. sapagkat pinahahalagahan aniya ng Pilipinas ang diplomatic relations nito sa China at nananatili ang paggalang nito sa nasabing bansa.
Nilinaw din ni Valeriano na hindi umano ibig sabihin na dahil binati ng Pangulo si Ching-Te ay nangangahulugan na “nakikipaglaro na ng apoy” ang Pilipinas sa mga karatig bans anito. Kung saan, muling idniin ng mambabatas na nais lamang ni Marcos, Jr, na mas palakasin ang diplomatic relations ng Pilipinas.