Valeriano: Kilatising mabuti mga presidential appointee

Mar Rodriguez Jan 24, 2024
126 Views

IGINIIT ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano sa “screening committee” ng Malacanang na busisiin o kilatisin nilang mabuti ang mga presidential appointees na dumadaan sa kanilang tanggapan bago nila i-rekomenda kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Sinabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na importanteng maging maingat ang screening committee sa pagpili ng mga kandidatong ire-rekomenda nila sa Pangulo para italagang opisyal ng isang partikular na ahensiya ng pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Valeriano na layunin ng kaniyang mungkahi na maiwasang maitalaga o maluklok sa anomang puwesto sa gobyerno ang isang presidential appointee na nahaharap sa kaso o ay may nakabinbing reklamo laban sa kaniya lalo na kung ito’y isang graft and corruption case.

Binigyang diin ng mambabatas na ang magiging kapabayaan ng screening committee na masuring mabuti ang isang presidential appointee ay hindi maiiwasang mag-boomerang aniya kay Pangulong Marcos, Jr. sapagkat siya ang pumili sa nasabing opisyal para maupo bilang pinuno ng isang ahensiya.

Ang pinaghuhugutan ng pahayag ni Valeriano ay patungkol sa kaso ni Commission on Higher Education (CHED) Commissioner Jo Mark Libre na may kinakaharap na kasong grave misconduct sa Office of the Ombudsman.

Dahil dito, ipinahayag pa ng kongresista na maaaring nabigo aniya ang screening committee na busisiing mabuti ang credentials ni Libre dahil nakalusot sila ang appointment nito sa kabila ng kasong kinakaharap nito sa Ombudsman.

“Kailangan nilang suriing mabuti ang mga appointment papers na dumadaan sa kanila. Kapag nagkamali kasi sila dito, ang Pangulong Marcos, Jr. ang mapupulaan at hindi naman sila. Sapagkat ang Pangulo ang nag-appoint duon sa presidential appointee kaya dapat nila itong kilatising mabuti,” ayon kay Valeriano.