Teofimar Renacimiiento

‘Sugapa’ sa Kapangyarihan

315 Views

MAHIRAP talagang pagkatiwalaan ang mga pulitikong sugapa sa kapangyarihan. Isang kapansin-pansin na halimbawa ng ganitong uri ng pulitiko ay si Kiko Pangilinan.

​Si Pangilinan ay kasalukuyang nakaupo sa Senado. Ayon sa mga senador, si Pangilinan ang kinikilalang pinuno ng lapiang Liberal o Liberal Party (LP). Ang LP ay kinamumuhian ng maraming mga mamamayang Pilipino, lalong-lalo na ng mga botanteng naranasan ang mga katiwalian at pang-aabuso sa pamahalaan ng mga taga-LP nuong nasa kapangyarihan pa si Pangulong Noynoy Aquino, isang ring Liberal.

​Sa ilalim ng saligang batas o 1987 Constitution, maaring muling tumakbo bilang senador si Pangilinan sa halalang Mayo 2022. Hindi naman ito nangyari sapagkat tinanggap kuno ni Pangilinan ang alok ni Pangalawang Pangulong Leni Robredo na maging kandidato siya (si Pangilinan) ni Robredo bilang bise-presidente sa darating na halalan. Si Robredo ay isa sa mga lahok bilang pangulo sa nasabing halalan.

​Bakit ‘sugapa’ sa kapangyarihan si Pangilinan?

​Unang-una, wala namang sapat na kagalingan itong si Pangilinan maging bise presidente o pangalawang pangulo. Wala ni isang mahalagang panukalang ginawa si Pangilinan sa loob ng kanyang 18 taong panunungkulan bilang senador (2001-2013; 2016-2022).

​Simula nang umupo sa Malacañang si Pangulong Rodrigo Duterte nuong 2016 hanggang sa kasalukuyan, walang ginawa si Pangilinan kundi punahin at pintasan ang pamahalaan ni Duterte, kahit wala namang kabuluhan ang kanyang mga pagbabatikos.

​Sa madaling salita, galit si Pangilinan kay Pangulong Duterte sapagkat tinalo ni Duterte si Mar Roxas, ang lahok ng LP sa pagkapangulo sa halalang ginanap nuong May 2016. Malaki sana ang budget ni Pangilinan sa Senado kung si Roxas ang nagwagi. Iyan ang tunay na sanhi ng init ng ulo ni Pangilinan kay Ginoong Duterte.

​Pangalawa, makasarili lang si Pangilinan.

​Nuong kasukdulan pa ng pandemyang COVID-19, puro pagpipintas lang ang ginawa ni Pangilinan ukol sa pagtulong ng pamahalaang Duterte sa mga mahihirap na Pilipino. Habang namimintas si Pangilinan, sagana at matiwasay ang uri ng buhay ni Pangilinan sa loob ng kanyang tinitirahang mala-palasyong bahay at mamahaling condominium.

​Halatang-halata ng marami na nagpapabida lang si Pangilinan sa mga mamayan, upang huwag siyang kalimutan sa balota sa halalang 2022.

​Pangatlo, alam na ni Pangilinan na ayaw ng taong-bayan sa kanyang lapiang LP, tapos pinagpipilitan pa niya ang kanyang sarili sa mga botante.

​Ating tandaan na si Pangilinan ang dating tagapamahala ng kampanya ng Otso Diretso, yung walong walang-kwentang mga pinatakbo ng LP sa halalan ng senador nitong nakaraang Mayo 2019. Talo silang lahat, maging si Mar Roxas, pati na rin si Bam Aquino, yung bagitong senador (2010-2016) na ang tanging layunin sa buhay ay gayahin ang anyo ng kanyang tiyong si Ninoy Aquino.

​Ngayon, eto na naman si Pangilinan, tumatakbo bilang bise-presidente, at yung talunang Bam Aquino ang kanyang pangkalahatang tagapagkampanya.

​Ika-apat, panloloko ang ginagawa ni Pangilinan sa taong-bayan.

​Alam ng lahat na sina Robredo at Pangilinan ay mga kandidato ng LP. Dahil alam din nina Robredo at Pangilinan na mabaho at marumi na ang pangalan ng LP sa mga mata ng mga botante, pakunwari pang pinapalabas nina Robredo at Pangilinan na hindi sila mga kandidato ng LP. Sila daw ay mga “independent” na kandidato.

​Bukod dito, imbis na dilaw (kulay ng LP) ang kanilang sagisag sa kanilang kampanya, rosas (pink) na ang kanilang ginagamit.

​Mga sinungaling! Ginagamit nina Robredo at Pangilinan ang kulay rosas dahil kinahihiya nila ang kanilang ugnayan sa LP!

​Panglima, gagawin ni Pangilinan ang lahat upang iluklok niya ang kanyang sarili sa kapangyarihan.

​Ating punahin na isa sa mga katunggali ni Pangilinan sa pagka-pangalawang pangulo ay si Senador Tito Sotto, ang dating komedyante sa pinilakang tabing at sa telebisyon na kasalukuyang pangulo ng Senado. Magkamag-anak sina Sotto at Pangilinan sa dahilan na pamangkin ni Sotto si Sharon Cuneta, ang beteranang artista at mang-aawit na asawa ni Pangilinan.

​Samakatuwid, kinakalaban ni Pangilinan ang kanyang tiyo para lang sa kapangyarihan. Hindi man lang pinagbigyan ni Pangilinan and kanyang tiyo na bukod sa nakatatanda sa kanya, at siyang nauna pa kay Pangilinan magpahayag ng kanyang pagtakbo bilang pangalawang pangulo.

​Eto pa. Ayon sa ilang mga taong nakapanayam ng kampo ni Pangilinan, wala raw kay Pangilinan yung pagiging magkamag-anak nila ni Sotto sapagkat naniniwala daw si Pangilinan na kapag si Sotto ang nagwagi, malalapitan naman daw niya si Sotto upang makahingi ng kahit anong biyayang maaring ipagkaloob sa kanya ng dating komedyante. Mabuti na rin daw ang nakapusta sa dalawa, kaysa sa isa lamang.

​Aba, iyan ay halimbawa ng pamamangka sa dalawang ilog!

​Kung ating tutuusin, dapat talagang magsama sina Robredo at Pangilinan sa kanilang ambisyosong pagtakbo sapagkat gagawin nila ang kahit ano upang makamit nila ang kanilang ambisyon. Hindi sila magandang halimbawa sa kabataang Pilipino.

​Hindi dapat ihalal sina Robredo at Pangilinan ng mga mamamayang nagmamahal sa Pilipinas.