Martin3

Work, work, work ng Lower House vs word, words, words ng mistulang slower Senate

Mar Rodriguez Jan 28, 2024
143 Views

DAHIL sa “work, work, work” attitude ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, 100% naipasa ng Lower House ang LEDAC at SONA bills ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. habang mistulang naging Slower Chamber ang Senado na naging abala ang ilang lider sa “words, words, words” kaugnay sa isyu ng pag-amyenda sa Konstitusyon, ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.

“Kami sa Lower House tapos na ang assignment. Wala kaming back subjects kaya wala ring constitutional crisis. Ewan ko ang Senado na mahilig ang ilang miyembro sa words, words, words kaysa work, work, work na attitude ng aming Speaker. Baka Slower House na sila,” ani Barbers.

“Walang kinalaman si Speaker Martin sa PI (People’s Initiative), taumbayan na iyan. Ang mabuti mag-usap na lang kami ng mahinahon hindi kung anu-anong multo ang nakikita ng mga senador.

Wala namang term extension na issue, economic lamang talaga,” dagdag ni Barbers.

Umapela naman sina Manila Rep. Bienvenido Abante at House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan sa mga lider ng bansa na huwag gamitin ang dasal para sa ‘political points’ matapos ang kontrobersiyal na panalangin ni Sen. Imee Marcos sa Jesus is Lord Worldwide Prayer and Vision Casting 2024 sa Norzagaray, Bulacan noong Sabado kung saan isinama nito ang isyu ng pag-amyenda sa Konstitusyon sa panalangin.

“When we pray, we communicate directly with our Father… it is our direct line to God, a sacred conversation meant for worship, repentance, and genuine supplication,” ani Abante, isang senior pastor ng Metropolitan Bible Baptist Church at pangulo ng Bible Believers’ League for Morality and Democracy (BIBLEMODE), na mayroong 6,000 miyembrong Baptist pastor sa bansa.

“The sanctity of our prayers should not be overshadowed or darkened by political agendas. Let us all avoid using the pulpit as a platform to broadcast masked political remarks, or as a stage for political advancement,” ani Libanan.

Kinondena naman nina House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, House Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., at Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez ang pahayag na constitutional crisis ni Senate President Juan Miguel Zubiri gayong dayalogo at pagsuporta ang inaalok ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 na inihain sa Senado.

“Nakakalungkot ang pahayag ni Senate President Zubiri na naisip kaagad ang constitutional crisis sa halip na yakapin ang pakikipagkaisa na inaalok ni Speaker Romualdez sa pagpasa ng RBH No. 6 ng Senado,” ani Dalipe.

“This is a time for dialogue, not escalating tensions,” giit pa Gonzales.

Nauna rito nagpadala ng liham si Romualdez kay Zubiri upang ipahayag ang kahandaan ng Kamara na suportahan ang inihain nitong Resolution of Both Houses No. 6., na naglalayong amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly.

“Speaker Romualdez’s gesture of collaboration should be met with an open mind and a willingness to explore common ground. It is disappointing to witness a swift dismissal rather than an embrace of the opportunity for meaningful dialogue,” ayon kay Suarez.

Sinabi naman ni Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte na dapat irespeto ng mga senador ang mga nagsusulong ng PI at sundin ang magiging desisyon ng mga Pilipino na siyang boboto kung sila ay pabor o hindi sa gagawing pagbabago sa Saligang Batas.

Sinuportahan naman ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang pahayag ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na mas tataas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan kung agad na matatapos ng lehislatura ang trabaho nitong amyendahan ang Konstitusyon.

“I agree. Investor certainty is a function of legislative speed. The shorter the debates take, the more certain investors become,” ani Salceda.

Tiwala naman si dating Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, dating chairman ng House Committee on Constitutional Amendments, na papasa ang PI sa anomang kuwestiyon ng legalidad sa Supreme Court (SC).