Transport

PISTON, MANIBELA nagpasalamat sa pakikinig ni Speaker Romualdez sa kanilang hinaing

180 Views

PistonNAGPASALAMAT ang malalaking samahan ng mga tsuper at local manufacturers ng modernong jeepney sa malasakit at pakikinig ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa kanilang hinaing laban sa hindi makatao umanong Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na programa ni dating Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte.

Ikinatuwa nina Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) President Mody Floranda at Manibela President Mar Valbuena ang pagpapasok sa kanila ni Speaker Romualdez sa loob ng Kamara de Representantes nitong Miyerkules habang nasa rally sa labas ng Batasan.

“Nagpapasalamat po kami sa inyong pakikinig sa aming hinaing upang hindi mawala ang aming hanapbuhay,” ani Floranda.

“Malaking bagay po sa aming lahat ang inyong (Speaker Romualdez) pakikinig para ipaglaban ang aming kabuhayan. Maraming salamat po,” ayon kay Valbuena sa kanyang parte.

Sa konsultasyon, tiniyak ni Speaker Romualdez na ilalapit niya kay Pangulong Marcos ang kanilang pagpalag sa mahahaling modernong jeep na nagkakahalaga ng P2.6 milyon mula sa China sa ilalim ng consolidation program na isinulong ni dating Pangulong Duterte kumpara sa mas murang local na modernong jeep na hindi pa aabot ng P1 milyon.

Wala pang isang oras matapos umapela si Speaker Romualdez, inihayag ng Malacañang ang pagpapalawig sa deadline sa consolidation program sa loob ng tatlong buwan.

Sa isinagawa namang dayalogo nitong Biyernes nina Elmer Francisco ng eFrancisco Motor Corporation at Ed Sarao ng Sarao Motors kay Speaker Romualdez, tiniyak ng lider ng Kamara de Representantes na bibigyang pansin ng administrasyong Marcos ang pagpapalakas sa paggawa ng lokal na sasakyan na nakasusunod sa international standards.

“Maraming salamat po Speaker Martin sa oras na ibinigay ninyo upang pakinggan ang aming karaingan sa mas mura, matibay, ligtas, at maasahang jeep,” ayon kay Francisco.

“Tinitiyak po namin na mas matibay ang gawang Pinoy na modernong mga jeep para sa mga Pilipino,” ani Sarao.

Ayon pa kay Francisco, nakausap niya si Maharlika Investment Corporation (MIC) CEO Joel Consing kaugnay sa posibleng paglalagak ng $200 milyon o katumbas ng P11 bilyong puhunan para sa modernisasyon ng jeepney mula sa Maharlika Investment Fund (MIF).

“Itong gobyerno, this Congress will be very much behind you and supportive of your industry,” ani Speaker Romualdez sa pagpupulong. “Ang priority po natin ay Philippine-made as this will bring out Philippine jobs and all other benefits.”

Bagamat kinikilala ang kahalagahan ng dayuhang pamumuhunan, sinabi ni Speaker Romualdez na prayoridad ng gobyerno ang pagkakaroon ng maaasahan, matatag, ligtas at hindi mahal na pamasadang jeepney na gawa ng Pilipino.

“Asahan nyo po na si Presidente Ferdinand Marcos Jr., kagaya ng kanyang ama, ay suportado ang anumang Philippine-made initiatives,” ani Speaker Romualdez. “Itong gobyerno, this Congress will be very much behind you and supportive of your industry.”

Nakasama ni Speaker Romualdez sa dayalogo sina Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez ng Quezon at si House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co ng Ako Bicol Partylist.

“Ang Kongreso, sa pamamagitan ng liderato ni Speaker Martin Romualdez ay hindi lang nakatutok sa mga problemang kinakaharap ng mga Pilipino, nag-iisip din ng agarang mga solusyon,” punto ni Suarez.

Dagdag pa niya: “Ang solusyon ay mula sa pag-iisip ng mga Pilipino. Ang mangyayari po rito, ang gagawa ng solusyon ay Pilipino rin. Ang makikinabang sa solusyon ay Pilipino rin.”