Tulfo

Sen. Tulfo ikinatuwa kompenasyon ng Saudi sa OFWs na nawalang ng trabaho

180 Views

TUWANG-TUWA si Sen. Raffy Tulfo sa balita na nagsimula nang matanggap ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa mga bankrupt na Saudi Arabian construction companies ang kanilang kompensasyon sa pakikiusap ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay President Bongbong Marcos, may kabuuang 1,104 indemnity cheques mula sa Alinma Bank na nagkakahalaga ng P868,740,544 ang naproseso na ng Overseas Filipino Bank at Land Bank.

Sa nasabing bilang, 843 na ang naayos at naibigay sa kinauukulang OFWs. Taong 2015 at 2016 ng ma-terminate sa trabaho ang 10,544 na OFWs sa Saudi Arabia.

“Bilang chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, lubos ang aking kasiyahan dahil matapos ang halos siyam na taon na paghihintay ng ating mga Saudi OFWs, makukuha na nila ang kanilang insurance claims.

“Ito ay bilang pagtupad sa pangako ni Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman na babayaran ng kanilang gobyerno ang ating mga OFW,” saad niya.

Pinasalamatan din ni Sen. Tulfo si Prince Mohammed Bin Salman dahil sa pagtupad sa kanyang pangako.

Ayon sa naunang ulat, personal na pinakiusapan ni PBBM ang Prinsipe ng Saudi Arabia upang mabigyan ng kompensasyon ang mga nasabing OFWs na hindi man lamang nakatanggap ng kahit anuman kompensasyon matapos silang mawalan ng hanapbuhay, siyam na taun na ang nakararaan.

Inaasahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang darating pang 700 cheques na makukuha ngayong Pebrero.