Valeriano

Valeriano ikinagalak na posibleng pagbukas muli ng klase sa Hunyo

Mar Rodriguez Feb 8, 2024
139 Views

IKINAGALAK ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang pag-apruba ng House Committee on Basic Education and Culture sa resolution na nagsusulong na ibalik sa Hunyo ang pagbubukas ng mga klase sa pribado at pampublikong paaralan mula sa kasalukuyang buwan ng Agosto.

Nauna rito, iminumungkahi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na kailangan munang pag-aralan ng Department of Education (DepEd) ang ipinapanukala nitong pagbabalik sa lumang “school calendar” ang kasalukuyang pasok ng mga estudyante (Agosto hanggang Mayo).

Ikinatuwiran ni Valeriano na kaya inusog ang dating “school calendar” na nag-uumpisa ng Hunyo hanggang Marso ay dahil ang buwan ng Hunyo ang panahon na bumubugso ang mga bagyo at pagbaha sa Metro Manila. Kung saan, sa mga ganitong panahon ay maaaring maging “prone” sa sakit ang mga mag-aaral.

Ipinaliwanag ni Valeriano na iginagalang nito ang naging desisyon ng House Committee on Basic Education and Culture alinsunod aniya sa kahilingan ng DepEd matapos ipagayag ni Dir. Leila Areola na may nabalangkas na silang Memo para sa pagbabalik ng orhinal na June-March school calendar.

Subalit sinabi ng kongresista na bagama’t hindi pa naman pinal ang nasabing panuakala. Kinakailangan pa sigurong pasadahan o pag-aralan pang mabuti ng Kamara de Representantes at DepEd ang resolution sa layuning ma-fine tune ang panukala para sa kapakanan ng mga estudyante.

Pinagbatayan naman ni Valeriano ang naging pahayag ni Marcelino Villafuerte ng PAGASA na bagama’t kakaunti ang school days na may “extremely hot temperature” at hindi rin maulan anh graduation day. Ngunit aasahan naman aniya na mas maraming kanselasyon ng klase kapag may bagyo o masamang panahon.

“Iginagalang natin ang pagkaka-apruba sa resolution dahil kung ito ang kagustihan ng DepEd ay iyon ang susundin ng Kongreso. Pero kailangan pa sigurong pag-aralan ang panukalang ito,” sabi ni Valeriano.