Barbers

Barbers payag mamagitan para magkausap Senado, Kamara

Mar Rodriguez Feb 8, 2024
117 Views

HANDA si Surigao del Norte del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na mamagitan upang magka-usap ang Kamara de Representantes at Senado para plantsahin ang hindi pagkakaintindihan sa isyu ng constitutional reform.

Sa isang press briefing, iginiit ni Barbers ang kahalagahan na umupo at mag-usap ang dalawang panig.

“Yes, oo. Willing ako. Kailangan naman talaga mapag-usapan ito dahil hindi naman lingid sa kaalaman ng mga senador at mga kongresista na isang ano ‘to, isang pamamaraan para ma-resolve na itong impasse na ito,” sabi nito.

“Kailangang mag-usap, kailangan nating umupo, kailangan nating pag-usapan ito,” dagdag pa ni Barbers, senior stalwart ng Nacionalista Party (NP).

Nagbabanggaan ang Senado at Kamara kaugnay ng panukala na amyendahan ang Konstitusyon.

Bagamat kapwa pabor ang dalawang sangay ng Kongreso na amyendahan ang Konstitusyon nagkaroon ng usapin kung papaano ito gagawin bukod pa sa paglutang ng posibleng pag-amyenda sa political provisions.

“I’m sure everybody will agree na kailangan talaga nating silipin, pag-aralan, at amyendahan itong restrictive economic provisions ng ating Saligang Batas. We want to be globally competitive.

Nauunahan na tayo ng ating mga kapitbahay…this will affect the lives of the Filipino people,” sabi ng solon.

“Just imagine the opportunity lost na napunta sa Vietnam instead sa Pilipinas. Yung pagtatayo lang ng mga kumpanya na sana nakapag-empleyo ng ating mga kababayang Pilipino, nawala eh, Sayang eh,” dagdag pa nito.

“Naunahan tayo ng Vietnam. Ang nasa likod natin ngayon ay Myanmar. Wag na nating hintaying maunahan pa tayo ng Myanmar,” sabi pa ni Barbers.