Calendar
Rep. Frasco nagpagawa ng flood control project para sa mga kababayan
KAYOD KALABAW sa pagkakaloob ng de-kalidad na serbisyo si House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Cong. Vincent Franco “Duke” D. Frasco para sa kaniyang mga kababayan sa pamamagitan ng ipinagawa nitong multimillion-peso “flood control project” sa Barangay Dunggoan, Danao City.
Pinangunahan ni Frasco ang “turnover” ceremony at pagpapasinaya ng flood control project nito na nagkakahalaga ng P77.1 million sa Barangay Dunggoan, Danao City kasunod ng pag-turn over nito ng isa pang “flood control” project sa Barangay Guinsay na nagkakahalaga ng P77 million.
Sinabi ni Frasco na ang nakalulunos na kalagayan ng mga residente ng dalawang Barangay ang nag-udyok sa kaniya para pasimulan at mailunsad ang nasabing proyekto dulot ng matinding pagbaha sa Barangay Dunggoan at Barangay Guinsay dahil sa pag-apaw ng ilog sa mga nasabing lugar.
Ayon sa House Deputy Speaker, nararamdaman nito ang hirap na pinagdadaanan ng kaniyang mga kababayan. Kung kaya’t agad nitong pinakilos ang mga tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Cebu City upang mapasimulan sa lalong madaling panahon ang Flood Control Project.
“Hindi tayo maaaring mag-tengang kawali o magbing-bingihan sa karaingan ng ating mga kababayan. Kaya agad na pinakilos natin ang kinauukulan para agad na masimulan ang flood control project,” sabi ni Frasco.
Nauna rito, pinatunayan ni Frasco ang de-kalidad na serbisyo ng “Team Frasco” matapos na muli nilang ilunsad ang isa pang serbisyo publiko sa pamamagitan ng “road concreting project” sa bayan ng Carmen, Cebu City.
Sinabi ni Frasco na ninilunsad nila ang road concreting project para sa Sitio Bawos-Bawos, Barangay Lanipga na nagkakahalaga ng P15 million na inaasahang magbibigay ng malaking ginhawa para sa mga residente ng nasabing lugar sa larangan ng pagne-negosyo o pang-kabuhayan.