Calendar
Reporma sa Konstitusyon ng ibang bansa gayahin — Haresco
DAPAT nang muling suriin ng 1987 Constitution upang mapalakas ang kakayahan at makahikayat ng mas maraming dayuhang mamumuhunan sa bansa.
Ito ang sinabi ni Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco Jr., kasabay ng kanyang pahayag na ilang beses ng inamyendahan ng ibang kasapi ng ASEAN ang kani-kanilang Konstitusyon upang makahikayat ng foreign direct investment.
At kung ang naging pag-unlad ng mga ito ang titignan, sinabi ni Haresco na masasabi na mas maraming dayuhang pamumuhunan ang pumasok sa kanila kumpara sa Pilipinas na hindi pa nag-aamyenda ang Konstitusyon mula noong 1987.
Ang kawalan ng pagbabago ayon pa kay Haresco ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ay napag-iiwanan na sa aspetong pang-ekonomiya at pulitika ng mga kalapit-bansa sa rehiyon.
“Sila po sa Indonesia, Vietnam, Thailand, members of ASEAN, they have changed their constitutions so many times. Thailand, 20 times silang nagkaroon ng constitution; Indonesia, 9 times; Malaysia, so many times,” ayon kay Haresco.
Aniya, ang pagbabago sa Konstitusyon ay nakatulong sa mga bansang ito upang harapin ang mga hamon sa pagbabago ng panahon at pandaigdigang pangangailangan.
Tinukoy ni Haresco na ang pag-aatubili sa pagkakaroon ng reporma sa 1987 Constitution ay dahil sa pangamba ng ilan na maaari itong makaapekto sa kasalukuyang pagkakaisa ng lipunan.
“We base our assumption that if we open up the discussion on the Constitution, we’d break up our society. That is completely untrue,” giit pa ng mambabatas.
Binigyan diin ni Haresco na tulad ng Estados Unidos, na may dynamic economy, ay nagpapakita ng kakayahang umangkop sa mga patakaran upang tugunan ang mga modernong pangangailangan habang napapanatili ang pagkakaisa ng lipunan.
“The US, it is a free economy—you can buy land, whatever you can invest in whatever, wherever. That’s the land of the free,” ayon pa kay Haresco.
“But it seems to me from the point of view of economics, our Constitution is for the land of the few,” dagdag pa niya.
Iginiit ni Haresco ang pangangailangan ng Pilipinas na suriin ang constitutional framework nito upang magkaroon ng mas maging inklusibo at competitive sa gitna ng mga pangyayari sa lokal at pandaigdigang ekonomiya.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na ang kasalukuyang Konstitusyon ay humahadlang sa kakayahan ng bansa na makahikayat ng mga dayuhang mamumuhunan, magamit ang teknolohiya, at makilahok sa pandaigdigang ekonomiya.
“We don’t have enough capital. We don’t have enough technology. We don’t have enough foreign entrepreneurship to participate actively in this global world,” ayon pa kay Haresco.
Nangangamba si Haresco na kung mananatili ang Pilipinas sa umiiral na batas sa konstitusyon ay lalo itong mapag-iiwanan hindi lamang ng ASEAN, kundi sa buong Asian region.
“If we don’t open ourselves to this debate about opening up the Constitution, we will be not only the laggard of ASEAN, but of Asia,” aniya.
Nakikiisa rin si Haresco kasama ang mga mambabatas at stakeholders sa mga panawagan na kumikilala sa kahalagahan ng pagbabago ng Saligang Batas upang maiakma sa hamon ng 21st century.
Ang panawagan ay tugma sa pag-aalinlangan ng mga dayuhang mamumuhunan hinggil sa restrictive financial provisions sa 1987 Constitution, bilang hadlang sa mga oportunidad ng pamumuhunan sa bansa.