Senator Sherwin Gatchalian

Komprehensibong pagpapatupad ng EVOSS hiniling

123 Views

SINABI ni Sen. Sherwin Gatchalian na maraming benepisyo na maaaring makuha sa Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS) tulad ng mas mababang presyo ng enerhiya ang nahahadlangan ng mahinang pagpapatupad ng batas na may layong makaakit ng pamumuhunan sa sektor ng renewable energy (RE).

Mula nang maisabatas ito noong 2019, hindi pa naisasakatuparan ang komprehensibong pagpapatupad ng EVOSS, giit ni Gatchalian.

“Kailangan pa ng masusing streamlining upang makapasok ang mas marami pang mamumuhunan sa merkado ng RE sa bansa.

Ito ang dahilan kung bakit masigasig nating itinulak ang pagsasabatas ng EVOSS pero hanggang ngayon ay hindi pa ito ganap na naipapatupad,” ani Gatchalian.

Dagdag niya, kailangan pang kumuha ang mga mamumuhunan ng 167 permits para lang magtatag ng mga proyekto sa RE.

Nabawasan na ito ngayon dahil noon umabot sa 250 ang mga kinukuhang permit mula sa gobyerno.

Ayon sa Department of Energy (DOE), nasa 85% ang EVOSS implementation base sa datos noong Nobyembre 2023.

Noong Setyembre ng nakaraang taon, 48 na proseso mula sa 8 pambansang ahensya at 2 local government unit ang naisama sa EVOSS process system.

Sa kaso ng isang hydro project, halimbawa, bumaba sa 1,697 mula 1,835 ang bilang ng mga araw na kailangan upang maitaguyod ang naturang proyekto.

Pero kahit na bumaba ang bilang ng araw, sinabi ni Gatchalian na ang timeline para sa proseso ay matagal pa rin.

Sinabi rin niya na malaki pa rin ang pangangailangan sa pagpapadali ng mga transaksyon sa gobyerno para sa kapakinabangan ng mga mamumuhunan at mga konsyumer.

Sa kasalukuyan, inaayos na ng National Grid Corporation of the Philippines, Philippine Ports Authority, at National Water Resources Board ang integration nila sa EVOSS system.