Quiboloy

3 bagong testigo ibubulgar karanasan sa kamay ni Quiboloy

105 Views

MULING ipagpapatuloy ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa Peb. 19 ang pagdinig tungkol sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy na dalawang beses nang inisnab ang imbitasyon ng Senado.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng komite at may akda ng Resolution no. 884, tatlong tao pa ang bagong lumutang upang magbigay ng kanilang testimonya at para ipahayag ang kanilang naging karanasan sa kamay ni Quiboloy at ng KoJC.

“Apollo Quiboloy, is a self-proclaimed ‘Appointed Son of God and the leader and founder of the Kingdom of Jesus Christ The Name Above Every Name (KOJC)’, allegedly demands strict obedience from his full-time followers through brainwashing, psychological manipulation and constant threats of eternal damnation,”, ayon sa Senate Res. 884.

Setro ng pagdinig ang mga paratang sa lider ng KOJC, partikular ang sexual abuse at harassment, human trafficking at iba pang mga kasong kriminal na ibinabato sa kanya.

Bubuksan muli ngayon ang pagdinig para bigyang-daan ang iba pang mga bagong testigo na naglakas loob na lumutang at tumestigo laban kay Quiboloy at sa KOJC.

Gayundin, ito umano ang tamang lugar para bigyan ng pagkakataon si Quiboloy na ipagtanggol ang kaniyang sarili at linisin ang kanyang pangalan sa harap ng mga taong nagsasabing inabuso at minaltrato sila ng nasabing pastor.

“Kung malinis ang konsensiya niya (Quiboloy), hindi siya dapat mag alangan harapin ang mga akusasyon lalo pa at hindi ordinaryong kaso ang mga ipinararatang sa kanya,” ani Hontiveros.

Ayon pa kay Hontiveros, dalawang imbitasyon ang pinadala nila kay Quiboloy pero imbes na sumagot sinabi ni Quiboloy na hindi niya papatulan ang imbestigasyon na sumasagasa umano sa kanyang karapatan pantao.

Inihayag din ni Hontiveros na nagpadala si Quiboloy kay Senate President Juan Miguel Zubiri ng sulat ngunit hindi na idetalye kung ano ang nilalaman nito. Gayunman ay nirekomenda ni Hontiveros na isama ito sa komite for “record purposes.”

Hinamon ng kampo ni Quiboloy at ng kanyang mga legal counsel si Hontiveros na dalhin na lamang sa tamang korte ang mga kaso ibinabato sa kanila upang pormal silang makasagot.

Nahaharap sa large-scale human trafficking, rape, sexual abuse and violence at child abuse sa United States si Quiboloy.

Sa mga naunang pagdinig, nagpadala ng kanyang mga abogado si Quiboloy para siyang humarap at sumagot sa maraming katanungan na ipinupukol sa kanya.

Ipinaliwanag ni Hontiveros na bagama’t tama na mayroon siyang abogado, si Quiboloy umano ang dapat mismong sumagot para sa mga ipinupukol na putik laban sa kanya ng mga diumanoy minaltrato at inabuso niya.

“Dapat po kayo humarap Pastor Quiboloy sa ating pagdinig sa ating komite kung sa paniwala niyo na kayo ang nagsasabi ng totoo at hindi nagsisinungaling. Hindi po kayo anak ng diyos na exempt sa awtoridad ng estado,” giit ni Hontiveros.

Kahit umano ang Korte Suprema hindi magtatangkang pahintuin ang imbestigasyon dahil karapatan ng Senado ito at ayon din sa itinatadhana ng batas.