House

Liderato ng Senado nakuwestyon, sino ba talaga ang nasusunod?

136 Views

NAGUGULUHAN ang mga miyembro ng Kamara de Representantes kaugnay ng sistema ng Senado dahil iba umano ang sinasabi ng lider sa ginagawa ng mga nasa baba gaya ng pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na tatapusin ang Charter reform resolution sa Marso, at ceasefire sa word war sa pagitan ng dalawang kapulungan.

Ito umano ang dahilan kung bakit napatanong sina Reps. Geraldine Roman ng 1st District ng Bataan at Janette Garin ng unang distrito ng Iloilo kung mayroon bang “leadership vacuum” sa Senado.

Sinabi ni Zubiri na sa Marso ay tapos na ang Resolution of Both Houses 6 pero hindi ito ang sinabi ng komite na nagsasagawa ng pagdinig. Sinabi rin ni Zubiri na napagkasunduan ang pagkakaroon ng ceasefire sa isyu ng Charter reform pero sinabi na hindi nito kayang pigilan si Sen. Imee Marcos sa pagbanat.

“Here in the House, the rules are clearcut. The Speaker (Ferdinand Martin Romualdez) is in charge. He gives the command. He tells our Rules Committee chairman, Majority Leader Mannix Dalipe: This is our priority. Find a way to have this bill passed,” ani Roman.

“Even if we have to work overtime, we will do it. We’re not the type who dilly-dally on our job here,” sabi ni Roman, na chairperson ng House committee on women and gender equality.

Sumunod na tanong naman ni Roman.

“Eh sa Upper House, who is in charge? Who’s on top? Who’s on the bottom? Si SP Migz ba o si Senator Joel?” ani Roman na ang pinatutungkulan ay si Senate Majority Leader Villanueva. “I’d like to find out. Please enlighten me kasi nga, it’s for the sake of efficiency.”

Sinabi ni Roman na mabuti kung malalaman kung sino ang totoong may hawak ng kapangyarihan sa Senado at siyang kayang gumawa ng desisyon upang maging malinaw ang chain of command doon.

Ibinulalas din ni Garin ang kanyang obserbasyon patungkol sa liderato ng Senado.

“Minsan kasi sa Senado mako-confuse ka eh. Kung iyung napag- uusapan ba ay naka-cascade ‘dun sa mga miyembro because that’s how leadership should be,” sabi ni Garin, isang House Deputy Majority Leader at naging kalihim ng Department of Health noong termino ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

“So, maganda iyun na nagkausap na si Speaker at iyung ating Senate President, at nanggaling din naman sa Senado iyung kanilang timeline na by March eh matatapos na ito (charter change). Ang kulang na lang siguro ay to walk the talk,” dagdag pa ni Garin.