Malaking bilang ng mga Pilipino pabor sa pagbabalik ng PH sa ICC

144 Views

MALAKING bahagi ng mga Pilipino ang pabor na muling bumalik ang Pilipinas bilang kasapi ng International Criminal Court (ICC), ayon sa pinakahuling pag-aaral ng OCTA Research group.

Ang resulta ng survey ay isinapubliko kahapon (Peb.18) at isinagawa mula Disyembre 10 hanggang 14 na nagpapakita rin ng pagtaas ng bilang ng mga pumapabor sa pakikipagtulungan ng pamahalaan sa isinasagawang imbestigasyon ng ICC kaugnay ng war on drugs ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang resulta ng OCTA research ay katulad din ng resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan duami rin ang sumusuporta sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng ICC.

Ayon sa OCTA survey, 59 porsyento ng respondents ang naniniwalang dapat bumalik ang Pilipinas bilang kasapi ng ICC, habang 41 porsyento naman ang nagpahayag ng pagtutol. Malaking bahagi ng mga respondents na sumusuporta sa muling pag-anib ang mula sa balanse ng Luzon (65%), na sinusundan ng Metro Manila (59%), Visayas (56%), at Mindanao (51%). Naitala din ang mataas na pagsuporta mula sa socio-economic class ABC (67%), na sinundan ng class E (60%) at class D (58%).

Tinukoy din sa pag-aaral ng OCTA research, na 55 porsyento ng respondents ang nagsabing kailangan ng pamahalaan ng Pilipinas na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng international court kumpara sa 45 porsyento na tumututol.

Ang panawagang makipagtulungan ang pamahalaan ay pinakamataas sa mga respondent sa balance Luzon (65%), sunod ang Metro Manila (52%), Visayas (50%), at Mindanao (42%).

Pabor din ang karamihan mula sa iba’t ibang antas ng lipunan, nakatanggap ito ng pinakamalaking suporta mula sa class ABC, na nagpahayag ng pinakamataas na antas ng suporta na (57%), kasunod ang class E (56%) at class D (55%).

Isinagawa ang SWS survey sa pagitan ng Disyembre 8 hanggang 11 na nagpapakita rin ng parehong resulta, kung saan 53 porsyento ng respondents ang sang-ayon sa ICC investigation sa drug-related killings ng dating administrasyong Duterte. Ito ay tumaas mula sa 45 porsyento na naitala sa nakalipas na survey ng SWS na isinagawa noong Marso 2023.

Ayon pa sa pag-aaral, bumaba ang bilang ng mga tumututol sa ICC investigation na mula sa 24 porsyento ay naging 21 porsyento, habang ang mga ‘undecided’ ay bumaba mula sa dating 31 porsyento sa 26 porsyento