Valeriano

Valeriano: Absolute divorce bill dadaan sa butas ng karayom

Mar Rodriguez Feb 22, 2024
170 Views

IGINIIT ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na dadaan sa “butas ng karayom” ang panukalang batas sa Kamara de Representantes na nagsusulong ng “absolute divorce” sa Pilipinas bunsod ng malalim na doktrina ng Simbahan patungkol sa paghihiwalay ng mga mag-asawa.

Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na matagal-tagal na rin pinag-uusapan at tinatalakay sa apat na sulok ng Kongreso ang “divorce bill” dahil maraming mamamayan at mambabatas ang mariing tumututol dito.

Ayon kay Valeriano, bagama’t kasalukuyang nakasalang sa Plenaryo ng Kamara de Representantes ang “absolute divorce bill” mahihirapang makalusot ang nasabing panukala bunsod ng iba’t-ibang dahilan, kabilang na dito ang mahigpit na pagtutol ng Simbahan o religious sector.

Ipinaliwanag ni Valeriano na tila dadaan sa butas ng karayom ang “divorce bill” sapagkat kung pagbabatayan ang Pilipinas bilang nananatiling conservative na bansa. Posibleng hindi basta-basta makalusot ang panukala kasama na dito ang malalim na doktrina ng Simbahan sa usapin ng kasal.

“Matagal-tagal ang debate ukol sa usapin ng dovorce. Sa klase ng ating lipunan baka dumaan sa butas ng karayom ang panukalang ito, kasama na ang malalim ng doktrina ng Simbahan. Madalas na hindi talaga nakakalusot ang panukala,” sabi ni Valeriano sa panayam ng People’s Taliba.

Ipinahayag naman ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace “Alas” S. Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na maaaring makapasa lamang ang divorce bill kung mayroong tinatawag na “overwhelming support” mula sa mga kongresista sa ilalim ng 19th Congress.

Sinabi ni Barbers na mahihirapan makalusot ang divorce bill sapagkat kung tatalakayin ang panukala sa Plenaryo ay maraming mambabatas ang tumututol dito habang kakaunti lamang ang sumusuporta.