Legalisasyon ng motorcycle taxi ipaprayoridad ng House

Mar Rodriguez Feb 25, 2024
185 Views

ALINSUNO sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na bibigyang prayoridad ng Kamara de Representantes ang pagpasa ng panukala kaugnay ng legalisasyon ng motorcycle taxi at ireporma ang kasalukuyang regulasyon ng transportation network vehicle service (TNVS) sa bansa.

Nauna ng ipinakita ni Pangulong Marcos ang pagnanais nito na bigyan ng mas maraming opsyon ang mga komuter na Pilipino, batay sa kanyang suporta na gawing legal ang operasyon ng motorcycle taxi at paluwagin ang regulasyon sa TNVS.

Ang posisyon ng Pangulo ay kanyang inihayag matapos ang pakikipagpulong nito sa mga opisyal ng Grab Holdings Inc. sa Malacañang kung saan nabigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas maraming paraan ng pagbiyahe at solusyon sa mga problema sa sektor ng transportasyon.

“The maintenance of peace and order, the protection of life, liberty, and property, and the promotion of the general welfare are foundational to our democracy. It’s imperative to adapt our laws to the evolving transportation landscape to ensure the well-being and convenience of our citizens,” ani Speaker Romualdez.

Layunin ng panukala na tugunan ang mga legal na balakid sa legal na pagbiyahe ng mga motorsiklo na ipinagbabawal sa kasalukuyang batas. Sa kasalukuyan ay nag-o-operate ang mga motorcycle taxi sa Metro Manila at Cebu sa ilalim ng pilot testing lamang na sinimulan noong 2019.

“Marami na pong kababayan natin ang nabigyan ng trabaho at kabuhayan mula sa industriya ng motorcycle taxis. Panahon na pong kilalanin kila bilang responsableng bahagi ng lipunang Pilipino at mabigyan ng sapat na regulasyon para mapangalagaan ang interes ng mamamayan,” sabi ng lider ng Kamara.

Mayroong nakabinbin na motorcycle taxi bill sa Kamara kung saan nakapaloob rin ang pagkakaroon ng regulasyon para sa mga App-Driven Transport Network Companies.

Layunin ng regulasyon na matiyak ang kaligtasan ng mga mananakay at maging kabalikat ito sa pagpapa-unlad ng bansa.

“The legalization of motorcycle taxis and the relaxation of TNVS regulations align with our goals to provide more choices for passengers, drivers, and businesses, particularly MSMEs. This approach not only addresses the demand for more accessible public transport but also contributes to the economic recovery and employment opportunities in the country,” sabi ni Speaker Romualdez.

Ayon kay Speaker Romualdez ang pagbibigay ng prayoridad sa House Bill 3412 na akda nina 1-Rider Partylist Reps. Rodge Gutierrez at Bonifacio Bosita ay tugon ng Kamara sa pagpapaganda ng transportation infrastructure at regulatory environment ng bansa alinsunod sa pagnanais ng Pangulo na maging inklusibo ang pag-unlad ng Pilipinas.

Nanawagan si Speaker Romualdez sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na suportahan ang panukala at iginiit nag positibong epekto nito sa mga komuter, sektor ng transportasyon, at ekonomiya ng bansa.