Suarez

Pagtatayo ng permanenteng imprastraktura sa Kalayaan, Pag-asa island iginiit

Mar Rodriguez Mar 5, 2024
73 Views

SA gitna ng patuloy na iligal na pagpasok ng mga sasakyang pangdagat ng China sa West Philippine Sea (WPS), nanawagan ang mga miyembro ng Kamara de Representantes na magtayo ng mga imprastraktura sa Kalayaan Island Group at Pag-asa Island upang igiit ang pagmamay-ari ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo.

Nagpahayag din ng pagsuporta sina Bataan Rep. Geraldine Roman, Zambales Rep. Jefferson Khonghun, La Union Rep. Francisco Paolo Ortega V, at Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez sa mga hakbang ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na magtayo ng mga permanenteng istruktura sa teritoryo at exclusive economic zone ng bansa sa WPS.

“This highlights the need for our country to invest in our defense infrastructure as well as the installations located in the islands that we already occupied,” sabi ni Roman.

“It should be a matter of priority, actually. Alam nyo naman, ayaw natin ‘yung nagpapa-bully. And papakita natin na meron tayong paninindigan sa ating bansa. And I believe that the President is a taking the right actions in this regard,” dagdag pa ni Roman.

Suportado rin ni Roman ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na walang isusuko ang Pilipinas kahit na isang pulgada ng teritoryo nito sa China.

“And kami naman po, narito kami sa Kongreso to support kung ano man ang pangangailangan ng Executive para maproteksyunan nila ang territorial integrity ng ating bansa,” sabi ni Roman.

Sinabi naman ni Khonghun na bukod sa paghahain ng mga diplomatic protest laban sa ginagawa ng China, makabubuti rin umano ang pagtatayo ng mga imprastraktura sa Kalayaan at Pag-asa Island bilang bahagi ng paggiit sa pag-mamay-ari rito ng bansa.

“We are one with Speaker Romualdez in also developing, lalong-lalo na yung ating mga airport facilities sa Kalayaan. So napaka-importante nun na talagang masabi natin na yung presence natin nandun. And dapat lang talaga na hindi natin isinusuko ang ating teritoryo,” sabi pa nito.

“At hindi tayo pumapayag na patuloy na panghihimasok ng China sa ating teritoryo. So, alam naman natin na hindi pababayaan ng ating Pangulo na mangyari yan at patuloy na gumagawa ng paraan ang ating Presidente para hindi na ito mangyari ulit,” dagdag pa ni Khonghun.

Ayon naman kay Ortega bukod sa pagpapaganda ng paliparan at seaport, dapat ding gawing tourism at business destination ang Pag-asa at Kalayaan islands.

“Hindi lang airports and seaports but even the Speaker encourage tourism activities, tourism sites, business activities or business infrastructures na ilagay po dyan sa ating mga borders at saka sa mga lugar na ‘yan,” sabi pa nito.

“The president has made a clear stand with that issue, ginagawa po natin lahat ng naaayon sa batas at naaayon po sa ating karapatan and of course, very clear po sa presidente na hindi po natin ibibigay itong mga ganitong lugar,” dagdag pa ni Ortega.

Para naman kay Suarez, mahalaga ang pagkakaroon ng bilateral agreement ng Pilipinas sa ibang bansa upang suportahan ang posisyon nito sa WPS.

“Kaya napakahalaga po ‘yung partnership bilateral agreements and cooperation that President Bongbong Marcos has been doing and strengthening with his trips because this strengthens the position of the President when it comes to our exclusive economic zone,” ani Suarez.

Nagpasalamat din si Suarez kay Speaker Romualdez sa paninindigan nito na pangalagaan ang integridad ng teritoryo ng Pilipinas.

“We thank Speaker Martin Romualdez for being steadfast with his commitment that not even an inch will be sacrificed when it comes to fighting for our sovereignty and our territory,” sabi ni Suarez.

“I would like to reiterate the position of Congresswoman Geraldine Roman, it is necessary for us to double down on our defense, spending, funding and allocation just so that we can properly protect what is naturally ours,” dagdag pa nito.