Calendar
Kamara aaprubahan RBH7 sa 2nd pagbasa sa susunod na linggo
KUMPIYANSA si House Deputy Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II na maaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang Resolution of Both Houses No. 7 (RBH 7) sa susunod na linggo.
“Based on the timeline shared with me, [March] 11, 12, 13 will be the second reading…I guess maa-approve ito on second reading by Wednesday next week,” sabi ni Gonzales sa isang press conference sa Kamara.
Sinimulan ng House Committee of the Whole ang pagtalakay sa RBH 7 noong Pebrero 26 at inaprubahan ito noong Miyerkoles, Marso 6.
Layunin ng RBH 7 na amyendahan ang Article XII, XIV, at XVI at ipasok ang phrase na “unless otherwise provided by law” upang maaaring maamyendahan ng Kongreso ang mga limitasyon kaugnay ng pamumuhunan ng mga dayuhan sa public utilities, sektor ng edukasyon, at advertising.
Sinabi ni Gonzales na magiging mabilis ang pagtalakay ng plenaryo sa RBH 7 kumpara sa deliberasyon na ginawa ng Committee of the Whole.
“Mas mabilis ang second reading because it will be limited to the interpellation of the members. Unlike in the committee level, kaya tumatagal ‘yan because may direct questions to the resource speakers,” ani Gonzales, ang floor leader ng Committee of the Whole.
“But when we go on second reading ang tinatanong nalang is the sponsor. And then any questions must be addressed to the sponsor who should answer all the interpellating questions to be done by any of the Members,” dagdag pa nito.
Samantala, pinuri naman ni 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez ang paghahain ng resolusyon ni Sen. Francis Tolentino sa Senado upang magkaroon na ng Rules para sa kanilang pagtalakay sa resolusyong naglalayong amyendahan ang Konstitusyon.
“It is a welcome development po, although we would have hoped that it would have happened earlier, pero nonetheless better late than never,” ani Gutierrez na kasama sa press conference.
Ang paghahain ni Tolentino ng resolusyon ay sumunod sa ginawang pagpuna ni Sen. Chiz Escudero sa kawalan ng Rules ng Senado kaugnay ng mga panukala na amyendahan ang Konstitusyon.
Nauna ng nagpahayag ng pagkabahala ang ilang kongresista sa kawalan ng malinaw na Rules ng Senado.