Calendar
Valeriano: Rice cartel sa loob ng NFA dapat kalusin
“KAPAG puno na ang salop, dapat ng kalusin”.
Ito ang paninindigan ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano na panahon na para sugpuin o kaya ay sawatain ang kartel ng bigas na kumikilos sa loob mismo ng National Food Authority (NFA).
Binigyang diin ni Valeriano na hindi naman kailangang lansagin o buwagin ang buong NFA para lamang matigil ang korapsiyon sa loob ng ahensiya katulad ng nais mangyari ng Office of the Ombudsman sapagkat ang nararapat lamang gawin ay sugpuin ang mga corrupt officials sa NFA.
Nauna nang nagpahayag ng pagtutol ang mga kongresista patungkol sa napipintong pagbubuwag ng NFA kasunod ng inilabas na utos ng Ombudsman matapos nitong patawan ng preventive suspension ang nasa 139 opisyal at tauhan ng ahensiya na nasangkot sa “bigas scam”.
Sinabi pa ni Valeriano na ang ibinabang kautusan ng Ombudsman laban sa mga nasangot sa “bigas scam” ay isang malinaw na indikasyon na seryoso ang naturang ahensiya na sawatain ang talamak na katiwalian sa loob ng NFA na nakaka-apekto sa mga mamamayan na umaasa sa murang bigas.
Sinusuportahan din ng Metro Manila solon ang ibinigay na utos ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez para sa House Committee on Agriculture and Food na mausi nitong imbestigahan ang “bigas scam” na kinasasangkutan ng ilang tiwaling opisyal at tauhan ng NFA.
Ayon kay Valeriano, nararapat lamang na gawing prayoridad ng Kamara de Representantes ang pagsasagawa ng pagsisiyasat laban sa umiiral na rice cartel o anumang uri ng katiwalian sa loob ng NFA dahil ang mamamayang Pilipino ang nagsisilbing “collateral damage” ng masamang gawain.