Magsino

Pagtitiyak ng DMW na magbabalangkas ng panibagong SFW guidelines ikinagalak

Mar Rodriguez Mar 8, 2024
124 Views

IKINAGALAK ni OFW Party List Cong. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang paniniguro ng Department of Migrant Workers (DMW) na magbabalangkas sila ng panibagong “guidelines” para tiyaking ligtas at mapapangalagaan ang kapakanan ng mga Seasonal Filipino Workers (SFW) sa abroad.

Nauna nang nagpahayag ng labis na pagkabahala si Magsino para sa kalagayan ng mga Pilipinong mangingisda o fishermen na nagta-trabaho sa Hawaii sapagkat wala umano silang pinanghahawakang United States employment visa (US Visa) sa ilalim ng “Special Arrangement”.

Sa kaniyang privilege speech sa plenaryo ng Kamara de Representantes, inilahad ni Magsino ang kasalukuyang mapait na kapalarang kinakaharap ng nasa tinatayang 750 Pilipinong mangingisda sa Hawaii.

Sinabi ni Magsino na batay din sa estima ng Philippine Consulate na naka-base sa Hawaii na 65% ng mga mangingisda ay mga Pilipino. Kung saan, karamihan sa kanila ay matagal ng nagta-trabaho sa nasabing bansa.

Binigyang diin ng lady solon na limitado lamang ang galaw ng mga Pilipinong mangingsda sa Hawaii bunsod na rin ng kawalan nila ng security of tenure sapagkat wala umano silang pinanghahawakang US employment visa.

Nabatid kay Magsino na matapos ang kaniyang privilege speech agad tumugon ang DMW na sisikaping makapag-balangkas ng mga bagong guidelines para sa kapakanan ng mga SFW sa pamamagitan ng mga safeguards at iba pang mga ipatutupad na alituntunin.

Ayon kay Magsino, ang pahayag ng DMW ay batay sa isinagawang pagdinig ng House Committee Overseas Workers patungkol sa isyu ng mga SFW alinsunod sa House Resolution No. 1343 na inihain nito sa Kamara para imbestigahan ang problemang kinakaharap ng SFW sa South Korea.