Madrona

Pagbabalik ng Balijoon pulpit panels sa Cebu suportado ng House Committee on Tourism

Mar Rodriguez Mar 10, 2024
93 Views

SINUSUPORTAHAN ng House Committee on Tourism ang panawagan ng Department of Tourism (DOT) sa National Museum of the Philippines (NMP) para agad na maibalik ang “Bolijoon pulpit panels” sa Archdiocesan Shrine ng Patrocinio de Maria Santissima sa Balijoon Cebu.

Nauna rito, nagpadala ng liham si Tourism Sec. Maria Christina Garcia Frasco kay NMP Board of Trustees Chairperson Andoni M. Aboitiz para sa pagpapahayag o manifestation ng kaniyang suporta (Frasco) para sa “repatriation” o pagbabalik ng mga pulpit panels na kayamanan ng nasabing Simbahan.

“I, as Secretary of the Department of Tourism, an ex-officio member of the Board of Trustees of the National Museum of the Philippines, respectfully manifest my support for the requests of the Archdiocese of Cebu, the provincial government of Cebu, and the Municipal Government of Balijoon, for the return of the religious panels to the Balijoon Church,” nakapaloob sa liham ni Frasco.

Ipinaliwanag ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, chairman ng Committee on Tourism sa Kamara, na napakahalaga ng pulpit panels para sa bayan ng Balijoon sapagkat ito ang nagsisilbing kayamanan nila o isang “historical significance” sa kasaysayan ng Cebu.

Sinabi ni Madrona na nagtataglay ng malalim na “historical significance” ang pulpit panels dahil sinasalamin nito o repleksiyon ng napakayamang kultura ng Balijoon sa larangan ng religious traditions ng mga mamamayan. Habang ang Simbahan naman nito’y maituturing na isang “cultural value”.

Ipinabatid pa ni Madrona na nakapaloob din sa National Tourism Development Plan para 2023-2028 ng Tourism Department na ang pangunahing tungkulin nito ay ang pangalagaan ang mga itinuturing na “religious at cultural” treasure at artifacts ng bansa katulad ng Balijoon pulpit panels.

Ayon sa kongresista, ang prayoridad din ng DOT ay ang tinatawag na “pilgrimage tourism” sa pamamagitan ng pagpapanatili o maintenance ng mga religious artifacts na may kinalaman sa malalim na pananampalataya ng mga Pilipino.