Martin

Serbisyo Caravan, CARD, ISIP, FARM, SIBOL programs dinala sa Oriental Mindoro

Mar Rodriguez Mar 10, 2024
160 Views

BILYONG halaga ng tulong pinansyal at programa mula sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair, at iba’t ibang programa na isinulong ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang dinala sa Oriental Mindoro noong Sabado.

Pinangunahan ni Speaker Romualdez ang paglulungsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair kung saan nagkakahalaga ng P1.2 bilyon ang halaga ng tulong pinansyal at programa ang nakatakdang ibigay sa may 50,000 residente.

“Ito na po ang resulta ng panawagan ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., ang ilapit sa mamamayan ang mga serbisyo ng pamahalaan, lalo na ‘yung may kinalaman sa pagbibigay tulong-pinansiyal at bigas sa ating mga kababayan,” ani Speaker Romualdez.

“Ito ang pangako ni Pangulong Bongbong Marcos, patuloy tayong mag-iikot at maghahatid ng tulong hanggang sa marating natin ang bawat sulok ng Pilipinas. Hindi tayo titigil kahit anomang pambabatikos at pangungutya ang ibato sa atin,” dagdag pa ng lider ng Kamara na may mahigit 300 miyembro.

Kasabay ng paglulungsad ng BPSF, ay inilungsad din sa Oriental Mindoro ang Integrated Scholarships and Incentives Program (ISIP) for the Youth, Start-up, Investment, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL), at ang Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM).

“Ito pong mga programang ito ay tugon natin sa hamon ng Pangulong Bongbong Marcos na ang mga kababayan nating nangangailangan sa lahat ng sektor ay ating tulungan. Ito ang esensya ng Bagong Pilipinas ni PBBM, ang walang naiiwang Pilipino sa serbisyo ng gobyerno,” sabi ni Speaker Romualdez.

Sa ilalim ng ISIP, nasa 2,000 estudyante ang nakatanggap ng tig-P2,000 cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang mga benepisyaryo ay ipapasok din sa Tulong Dunong Program (TDP) ng Commission on Higher and Technical Education’s (CHED) Tulong Dunong Program (TDP) kung saan sila ay makatatanggap ng hanggang P15,000 tulong kada taon.

Para sa SIBOL, nasa 3,000 maliliit na negosyante at mga nais na magtayo ng sariling negosyo ang nakatanggap ng tig-P5,000 cash assistance.

Sa ilalim naman ng FARM Program ay 2,000 magsasaka ang nakatanggap ng tig-P2,000 halaga ng cash aid.

Layunin ng programa na matulungan ang mga magsasaka ng palay upang dumami ang produksyon ng pagkain at maparami ang suplay ng bigas sa bansa upang malimitahan ang pagtaas ng presyo nito.

Binigyan naman ng cash assistance at bigas ang may 2,000 residente sa ilalim ng revolutionary program na Cash and Rice Distribution (CARD) program.

“Isa ito sa mga panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos, ang maghatid tayo ng kalinga sa ating mga kababayan na hirap sa pang-araw-araw na gastusin at pagkain. Kaya natin naisip ang programang ito para matulungan ang mga sektor na kailangan ng konting alalay,” sabi ni Speaker Romualdez.

Umabot sa 50,000 kilo ng bigas ang naipamahagi sa mga benepisyaryo sa Oriental Mindoro.

Bukod sa bigas na nagkakahalaga ng P1,000, ang mga benepisyaryo ay nakatanggap din ng tig-P1,000 cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang DSWD ang siyang tumutukoy sa mga benepisyaryo ng programa na kinabibilangan ng mga senior citizen, persons with disabilities, solo parents at Indigenous Peoples.

Dahil sa kanyang inisyatiba na mamigay ng bigas sa bulnerableng sektor at kanyang paglaban sa smuggling at hoarding, si Speaker Romualdez ay nabansagan ng Mr. Rice sa mga lugar na pinuntahan nito.

“Ang bigas ay buhay. At hindi natin pababayaang mawalan ng access sa murang bigas ang ating mga kababayan. Kaya ang lahat ng aming pagsisikap dito sa Kamara ay nakatuon dito sa pagpapamura ng bigas, kasama na ang pagtugis sa mga rice smugglers,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Noong nakaraang taon inilungsad ang CARD program sa 33 distrito ng Metro Manila, Biñan City at Sta. Rosa sa Laguna.