inday

Dasal para sa maayos na halalan panawagan ni Mayor Inday

616 Views

NANAWAGAN si UniTeam vice presidential candidate Sara Duterte sa publiko na magdasal para sa pagkakaroon ng maayos na halalan at pagkakaisa ng bansa pagkatapos ng eleksyon.

Ayon kay Duterte, kasalukuyang mayor ng Davao City dapat magdasal ang publiko upang maproteksyunan ang mga boto sa darating na eleksyon at maging malinis, maayos, mapayapa ang halalan sa Mayo.

Ang ikalawang dasal ay para magkaisa ang mga Pilipino pagkatapos ng eleksyon.

Muling inulit ni Duterte ang kahalagahan ng pagkakaisa upang maging mabilis ang pag-ahon ng bansa mula sa epekto ng pandemya.

“’Yan po sana ang ating idasal araw-araw hanggang May 9, and even beyond May 9, ‘yung kapayapaan at pagkakaisa ng ating bansa,” sabi ni Duterte.

Nagpasalamat si Duterte sa mainit na pagtanggap at pagpapakita ng suporta sa kanya at kanyang running mate na si presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., at kanilang mga senatorial candidate ng mga Bulakeño.

Sa Bulacan ipinagdiwang ng UniTeam ang pagdiriwang ng International Women’s Day.

Kinilala naman ni Duterte ang kabayanihang ni Trinidad Tecson, ang tinaguriang Ina ng Biak na Bato, na may malaking kontribusyon sa pakikipaglaban sa kalayaan ng bansa.