Calendar
BPSF sa Mindoro patunay na pwedeng maramdaman serbisyo ng gobyerno
Sa pinakamababang antas ng lipunan
KABUUANG P1.2 bilyong halaga ng cash assistance at livelihood programs ang ipinamahagi sa isinagawang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Oriental Mindoro.
Ang isinagawa umanong BPSF sa Oriental Mindoro ay patunay na maaaring ibaba at ipatupad ng maayos ang mga serbisyo at programa ng gobyerno sa pinakamababang antas ng lipunan, ayon kay Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jayjay” Suarez.
Si Suarez ay kabilang sa may 20 mga kongresista na sumama kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa paglulungsad ng BPSF sa Calapan Mindoro na isinagawa noong Marso 9 at 10.
“This is a clear indication that services are being felt and properly implemented at the grassroots level,” pahayag pa ni Suarez sa isang press conference.
“Ang sabi nga nong ilang mga nabigyan ng tulong, meron pala, puwede pala. So, ito po iyong pagpapakita na nasa tamang pamamaraan ang paggastos at paggamit ang pondo ng pamahalaan na direktang pinakikinabangan ng atin mga kababayan,” dagdag pa ng mambabatas.
Sa kabuuan ayon kay Suarez, 50,000 mga residente sa Mindoro ang naging benepisyaryo hindi lamang ng financial assistance programs, kundi maging ng one-stop-shop ng serbisyo ng mga tanggapan ng pamahalaan tulad ng PhilHealth registration at applications ng DFA passport, NBI clearance, police clearance, PSA birth certificate, Pag-IBIG membership at housing loan, SSS membership at GSIS UMID, at iba pa.
“Just to name a few, 28,000 individuals benefited from the DSWD program of AICS, 9,000 individuals benefited from the program of the DOLE, at naka-focus po ito duon sa mga naapektuhan nuong oil spill sa Mindoro,” ayon kay Suarez.
“Mayroon din pong P145 million worth of equipment ang naitulong sa 52 farmer cooperatives para sa Department of Agriculture. Mayroon din pong pitong libo na nakinabang sa ISIP program, which is our scholarship assistance. Mayroon din mga negosyo or start-up businesses na nakatanggap ng kapital mula sa SIBOL,” dagdag pa ng mambabatas.
Binati at pinasalamatan din ni Suarez sina Gov. Bonz Dolor at Rep. Arnan Panaligan na naging punong abala sa BPSF sa Mindoro.
Sinabi naman ni House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe sa isinagawang press briefing na ang BPSF ay isang katunayan na ang sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan ay isang epektibong paraan sa pagpapatupad ng mga serbisyo ng gobyerno at pag-abot sa mga pamayanan sa iba’t ibang lalawigan.
“We’re very happy that PBBM is continuing in trying to reach out to our constituents in the provinces. And the HOR under the leadership of Speaker Martin Romualdez is in full support of PBBM’s program in reaching out to the different communities in the provinces,” ayon kay Dalipe.
Sinabi pa ni Dalipe na ipagpapatuloy ng Kamara na gampanan kanilang “oversight function”, lalo na sa iba’t ibang departamento na kanilang pinaglalaanan ng pondo sa pagdinig ng pambansang budget.
“We will continue to monitor and most especially we will come up with decisions that will help us improve, particularly in the crafting of the next year’s budget, the 2025 budget,” ayon kay Dalipe.
“Malaking tulong po iyan and we are even encouraging all other members of the HOR to join all these BPSF, kasi nanduon na po iyong, hindi lang isa, dalawa o tatlong departamento ang nanduon, marami pong national agencies and it is a very good chance for the House members to observe directly,” dagdag pa ni Dalipe.
“Ito bang nilagay natin sa budget na programa for example DSWD, DOLE, DOH, DA o anumang departamento, ano ba iyong epekto niya? So bilang mambabatas nakikita po ng mga congressman directly iyong actual implementation and they can observe that and probably make more refinements that will benefit the Filipino people in the next fiscal year, the next budget which is the 2025 budget.”