Garin

Usapang sampalan ni Chiong pakita ng mababang pagtingin sa kababaihan

Mar Rodriguez Mar 14, 2024
118 Views

KINONDENA ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang pahayag ni dating Biliran Rep. Glenn Chong na sasampalin nito si First Lady Liza Araneta Marcos.

Ayon kay Garin isa itong masamang asal at pagpapakita ng mababang pagtingin sa mga kababaihan na nataon pang ginawa sa pagdiriwang ng International Women’s Month.

Sa ginanap na pulong balitaan, sinabi ni Garin na hindi akma para sa isang abogado at isang dating mambabatas ang mga ganitong uri ng pahayag, lalo na at ginawa ito sa isang prayer rally bilang pagsuporta sa Sonshine Media Network International at kay Pastor Apollo Quiboloy.

“Kung merong criticism sa gobyerno, pwedeng i-lay down. Pero kung ang mga usapan parang sampalan, it brings down the dignity of women, whether it’s the First Lady or not, babae ‘yun eh. So medyo hindi lang nga talaga maganda tingnan sa publiko,” ayon pa kay Garin, na inilarawan si Chong bilang dating mabuting kasamahan sa Kamara.

“Bilang isang babae ulit at bilang isang nanay, bilang isang Pilipino, you don’t want your citizens doing that in public. Pero iyong mga katagang iyon, it does not only bring down the dignity of women. It also brings down the dignity of Filipino professionals,” ayon pa sa mambabatas.

Sa isang talumpati, sinabi ni Chong na sasampalin nito si FL Marcos at pinagbintangan ito na nagmanipula ng halalan noong 2022.

“Women’s Month pa naman ngayon. Kasi nung pinalaki ako ng aking mga magulang, ang pagkaintindi ko, tayong mga Pilipino tinuturuan tayo na habang tayo ay lumalaki, nandoon pa rin ang respeto. There are many ways to express your anger kung meron kang galit, pero pag sinabi mo kasing mag sampalan, pabalik-balik ng sampalan, ‘yung pinapakita mong demeanor sa mga kabataang Pilipino ay hindi maganda,” ayon kay Garin.

“Parang sinasabi mo na tuloy sa mga bata, okay natural lang na manampal ka, may rason man o wala mang rason. So, it’s a very bad example especially to our children and coming from a professional, from a lawyer, medyo nakakagulat,” dagdag pa ng lady solon.

“Again, siguro, baka joke lang ‘yon or baka in public, kasi napakasayang nung okasyon. Bilang isang dating mambabatas, bilang isang abogado, nandoon ka sa isang okasyon, it’s good to take advantage to campaign of your advocacies. Kasi hindi ka nandodoon bilang isang tao lamang. Nanduon ka bilang isang former official and you are there as a lawyer,” wika pa ni Garin.